Ni Celo Lagmay
SA kabila ng katakut-takot na estratehiya hinggil sa paglutas ng nakapanggagalaiting problema sa trapiko sa halos lahat na yata ng pangunahing lansangan sa Metro Manila at iba pang panig ng kapuluan, usad-pagong pa rin ang daloy ng mga sasakyan; lalong nagngingitngit ang kalooban ng mga motorista na walang katiyakan kung kailan sila makararating sa kanilang paroroonan.
Naibunsod na yata ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng iba pang ahensiya ng gobyerno na namamahala sa trapiko ang halos lahat ng pamamaraan laban sa pasaway sa mga lansangan lalo na sa Edsa. Katunayan, may plano ang Metro Manila Executive Council na binubuo ng MMDA Mayors na taasan ang multa at parusa sa walang disiplinang mga motorista.
Ang naturang panukala ay natitiyak kong ibinatay sa katotohanan na talagang maraming barumbadong tsuper na tila ahas, wika nga, kung paharurutin ang kanilang mga sasakyan; walang pasintabi kung sila man ay magpabagu-bago ng lane o linya basta masunod lamang ang kanilang pagyayabang sa mga lansangan.
Dahil dito, nawawalan ng lohika ang pagtatakda ng kanya-kanyang linya o lane para sa mga pribado at pampasaherong mga sasakyan; kabilang na rito ang mga motorsiklo na may sarili ring linya. Sa kabila ng ‘no contact apprehension’ ng MMDA, kabi-kabila pa rin ang paglabag sa mga batas at regulasyon sa trapiko.
Tinangka na ring hatakin ang halos lahat ng mga sasakyang nakaparada sa interior roads, subalit dahil sa ningas-kugon na implementasyon ng nasabing utos, kapuna-puna pa rin ang tila nananadyang mga motorista sa pagsuway sa mga traffic enforcers. Maliwanag na sanhi ito ng sinasabing pagkunsinti ng mga barangay officials. Dahil dito, lalong bumibigat ang problema sa trapiko at lalong nagpipista ang pasaway na mga motorista.
Dahil sa gayong sitwasyon, hindi na kanais-nais na magbiyahe o maglakbay sa mga lansangan. Dahil din dito, sa kabila ng halos sunud-sunod na pagtirik ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3, mas mabilis pa rin ang biyahe sa naturang mga tren. Lalo na ngayon na ang mga ito ay dumadaan sa mga direksiyon na natitiyak kong malapit na sa ating patutunguhan; lalo na ngayon na ang nasabing mga transportasyon ay makararating na rin sa ilang lugar sa Bulacan at Cavite.
Dapat pagtuunan ng pansin ng Duterte administration ang pagpapabuti at pangangalaga sa mga riles at bagon – at sa ibayong maintenance ng mga ito upang mabawasan kundi man ganap na maiwasan ang halos oras-oras na pagtirik ng mga ito.
Epektibo ito sa paglutas ng matinding problema na sa kabila ng mahihigpit na patakaran laban sa mga pasaway na motorista ay lalo pang nagiging usad-pagong ang trapiko.