Ni Ric Valmonte
MAG-IIMBESTIGA na naman ang Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon ukol sa P3.5-bilyon dengue fever immunization program ng dating adminstrasyong Aquino dahil sa naiulat na hindi magandang epekto nito sa mga taong hindi pa nagkakasakit ng dengue. Kapag naturukan daw kasi ang mga ito, makakaranas pa sila ng mas malubhang sakit.
Nagtuturuan ngayon kung sino ang dapat sisihin at managot sa pagbili ng bakunang Dengvaxia sa Sanofi Pasteur, na gumawa ng gamot. Ayon sa Malacañang, kasalanan ito ng dating administrasyon dahil ito ang nagsara ng kontrata sa nasabing manufacturer. Ang mga opisyal pa raw nito ay nagmadaling tumungo sa Paris para sa layuning ito. Si dating Department of Health (DoH) Secretary Janet Garin ay umaming nakipagkita sa mga opisyal ng Sanofi sa Paris upang pag-usapan ang tungkol sa bakuna.
Kaya naman sinisisi ngayon ang administrasyong Duterte dahil ipinagpatuloy nito ang programa nang mamuno sa DoH si dating Secretary Paulyn Ubial. May dalawa na ngang resolusyon na lumabas na nagsasabi na ang Dengvaxia ay mapanganib, pero ipinagpatuloy pa itong iturok sa mga tao sa eskuwelahan at komunidad. Tinatayang 700,000 na ang nabakunahan na nanganganib ang kalusugan.
Ang problema, si Sen. Gordon na naman ang nagpumilit na mag-imbestiga sa umano ay Dengvaxia anomaly. Dapat ay ang Committee on Health ni Sen. JV Ejercito ang magsagawa ng imbestigasyon, pero iginiit ni Gordon ang kanyang komite dahil hindi pa raw nito natapos ang imbestigasyon.
Isang taon na ang nakalilipas nang simulan ni Gordon ang pagdinig, pero nabalam daw nang matagal dahil sa pressure ng kapwa niya mga mambabatas, mga opisyal ng gobyerno na nasa ehekutibo, at iyong massive advertisement ng Sanofi sa media. Sa pagdinig ngayon, sinabi ni Gordon na wala nang pressure-pressure.
May paraan para ka bumigay sa pressure. Una na nga ay huwag mong ipagpatuloy ang imbestigasyon, o kaya ay ibitin mo hanggang magkalimutan na. Hindi na ngayon matagumpay na gamitin ito sa bakunang Dengvaxia, dahil sumulpot na naman ang isyu. Mahirap nang balewalain ito dahil inilalagay na sa panganib ang buhay ng mga tao, lalo na iyong mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue.
Ikalawa ay gawin mong pantakip ang imbestigasyon upang iyong malibre ang mga opisyal na nais mong maprotektahan at ilaglag mo iyong mga kakaning-itik.
Kaya, napakadaling intindihin iyong pagpupumilit ni Gordon na siya pa rin ang mag-imbestiga sa katwirang naumpisahan na niya ito. Ibinitin na niya ang inumpisahan niyang imbestigasyon dahil sa inamin niyang lobby at pressure, sino pa ang maniniwala na magiging patas pa siya sa pagpapatuloy nito?
Bakit hindi na lang niya ipinaubaya sa komite ni Sen. Ejercito ang imbestigasyon lalo na ngayon na lumilinaw na ang masamang epekto ng bakuna, kung wala siyang mabigat na dahilan maliban sa ibinitin niya ang inumpisahang imbestigasyon?
Malayong hindi magaya ang resulta ng imbestigasyon niya sa Dengvaxia sa imbestigasyon niya sa P6.4-bilyon shabu na nakalusot sa Bureau of Customs. Mga pipitsugin ang kanyang mga niyari, nalibre ang talagang mga utak ng anomalya.