SI Coco Martin ang bagong Panday.

 

Nagsanib-puwersa ang CCM Film Productions, Star Cinema, at Viva Films sa kauna-unahang pagkakataon sa isang pambihirang Pamaskong handog para sa buong pamilya sa pagbabalik-pelikula ni Coco Martin sa Ang Panday – ang pinakamalaking action-adventure sa pinakahihintay na 43rd Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong Disyembre.

 

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Coco Martin
Coco Martin
Sa ilalim ng direksiyon mismo ni Coco Martin, sa ilalim ng tunay niyang pangalan na Rodel Nacianceno, at sa orihinal na bagong istorya na kanya ring nilikha kasama si Joel Mercado, ito ang kauna-unahang live-action film adaptation ng Ang Panday – ang pinakamamahal ng lahat na mga karakter na nilikha nina Carlo J. Caparas at Steve Gan, na lalo pang pinasikat ng yumaong action king na si Fernando Poe Jr. – mula noong 2011.

 

Para sa 2017 epic na pagbabalik ng iconic Pinoy hero, gagampanan ni Coco ang papel ni Flavio III – ang apo ng orihinal na Panday. Biglang magbabagong ang kanyang buhay nang madiskubre na ang kanyang angkan ang itinakdang tagapagligtas ng sangkatauhan sa kasamaan ng imortal na kalaban ni Panday na si Lizardo (Jake Cuenca) na nagbabalik mula sa kadiliman upang muling guluhin at pahirapan ang mundo.

Hindi alam ni Flavio III na tanging ang angkan niya lamang ang makakatalo kay Lizardo, na kailangan niyang maglakbay sa iba’t ibang mundo upang makuha ang tiwala ng kapangyarihan ng espada. At gaya ng orihinal at pinakamamahal na bayani ng lahat, maraming makikilala si Flavio III na tutulong sa kanya bilang tunay na tagapagmana ng tinitingalang pangalan ng Ang Panday.

 

Ang Panday ay hindi lamang isang iconic na karakter sa Pinoy pop culture ngunit isa ring sa mga pinakamamahal na Pinoy comic book heroes of all time sapagkat kinakatawan nito ang pagmamahal sa katotohanan at hustisya at pati na rin ang pagwawagi ng kabutihan laban sa kasamaan.

 

Karapat-dapat banggitin na ito ang kauna-unahang full-length mainstream movie na idinirihe ni Coco. Sadyang pinanday ng panahon si Coco upang maging direktor. Nagsimula ang karera niya bilang aktor sa indie movies, lalo na sa mga pelikula ni Brillante Mendoza, at lumipat siya sa mainstream sa pamamagitan ng telebisyon. Ngayon ay tuluy-tuloy siyang lumalabas bilang bida sa top-rating primetime teleseryes ng ABS-CBN at pati na rin sa mga pelikula sa ilalim ng higanteng film outfit ng network. Maraming natutuhan at karanasan si Coco sa mundo ng indie at komersiyal na kanyang pinagsama, at siya niyang ginamit sa Ang Panday – na katuparan ng kanyang pangarap na magdirehe ng pelikula. 

Ang aktibong pagtatrabaho ni Coco bilang creative consultant ng FPJ’s Ang Probinsyano ay siyang ring nagpanday sa kanyang kakayahan bilang storyteller.

 

Bilang bida ng pelikula, si Coco ang kumakatawan sa lahat ng magagandang bagay na taglay ng Ang Panday – at kitang-kita ito sa pagmamahal ng milyun-milyong mga Pilipino sa kanya lalo na nang bigyang-buhay niya ang karakter ni Cardo sa long-running at top-rating primetime drama series na FPJ’s Ang Probinsiyano.

Bilang si Flavio, muli na namang ipaglalaban ni Coco ang kabutihan habang ipinagtatanggol ang  mahihirap at api sa mundo.

 

Panoorin kung paano isasabuhay ni Flavio ang kanyang kapalaran. Mula sa isang simpleng lalaki na lumaki sa Tondo, si Flavio ay magiging pinakatanyag na bayani ng mga Pilipino na magliligtas sa kanyang pamilya at komunidad laban sa mga kampon ng kasamaan.

 

Tampok din sa Ang Panday sina Lito Lapid, Eddie Garcia, Michael de Mesa, Gloria Romero, Jaclyn Jose, Dimples Romana, Jeric Raval, Jaime Fabregas, Julio Diaz, Mariel De Leon, Awra Briguela, Dennis Padilla, Carmi Martin, Albert Martinez, Agot Isidro, Kylie Verzosa, Mccoy De Leon, Elisse Joson, Jhong Hilario, at marami pang iba.

 

Ipapalabas ang Ang Panday sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 25.