Ni MARY ANN SANTIAGO

Dalawa ang patay habang apat ang sugatan nang araruhin ng truck ang sinusundan nitong truck at mga motorsiklo sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.

Naisugod pa sa Ynares Hospital ngunit nalagutan din hininga sina Enriquito Orquin, driver; at Paulino Casas, helper, dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Napilayan at nagkaroon ng mga pasa sa katawan at kasalukuyang ginagamot na sa Amang Rodriguez Medical Center sina Edwin Miday, Aurora Miday at Larry Conjusur, pawang sakay sa motorsiklo; at Roy Almuguera, na driver naman ng isa pang truck.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, naganap ang insidente sa kahabaan ng Don Mariano Marcos Avenue Extension, sakop ng Barangay San Jose, sa Rodriguez, dakong 1:00 ng madaling araw.

Una rito, kapwa binabagtas ng mga nasabing sasakyan ang kalsada at pagsapit sa palusong na bahagi nito ay bigla na lang nawalan ng preno ang truck na minamaneho ni Orquin at sinalpok ang truck na minamaneho ni Almuguera.

Nadamay sa aksidente ang paparating na motorsiklo na minamaneho ni Miday, kaya nasugatan ang tatlong sakay nito.