Ni Marivic Awitan

SA kabila ng kinakaharap na gusot, tuloy ang pagbubukas ng ika-43 season ng PBA sa Disyembre 17.

Kaugnay nito, naglabas ang liga ng partial game schedule para sa season opener 2018 PBA Philippine Cup kabilang ang mga unang laro sa elimination round at may lagda ng kontrobersyal na PBA Commisioner Chito Narvasa.

Magsisimula ang season sa pamamagitan ng isang laro tampok ang reigning 3-time All-Filipino champion San Miguel kontra Phoenix ganap na 6:45 ng gabi matapos ang opening ceremony ganap na 4:00 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

May mga laro rin sa mismong araw ng Pasko tampok ang tapatang NLEX at Globalport gayundin ang crowd favorite Ginebra at Magnolia sa Philippine Arena sa Bocaue.

Sa iba pang laro, magtatapat ang NLEX at KIA sa Disyembre 20 sa PhilSport Arena na susundan ng salpukan ng Magnolia at Alaska.

Kasunod nito, magtutuos ang Blackwater at Meralco sa Disyembre 22 sa Cuneta Astrodome habang magsasagupa naman sa ikalawang laro ang Rain or Shine at TNT Katropa.

Pagkatapos ng Christmas Day duel, babalik ang aksiyon sa Araneta Coliseum sa Disyembre 27 kung saan maghaharap ang Phoenix at Kia na susundan ng pagtatapat ng Meralco at San Miguel .

Para sa huling laro sa 2017 , gaganapin ito sa Disyembre 29 sa Cuneta Astrodome kung saan magtutunggali ang Blackwater at Rain or Shine na susundan ng bakbakan ng TNT at Alaska.