INABANGAN at tinutukan ang pinakahihintay na paglabas ng kapangyarihan ng karakter ni Kathryn Bernardo na si Malia nitong Martes (December 5) sa hit action series na La Luna Sangre kaya pumalo ito sa panibagong all-time high national TV rating at trending pa sa Twitter worldwide.
Ang pagbabagong-anyo ni Malia bilang lobo ay nagtala ng national TV rating na 38.5% mula sa pinagsamang urban at rural homes, higit sa doble ng rating ng katapat nitong palabas na nakakuha lamang ng 15.3%, ayon sa data ng Kantar Media.
Tanghali pa lang, tila hindi na mapakali ang netizens sa mangyayaring pagbabago kay Malia at kalaunan ay nag-trending pa sa Twitter ang hashtag nitong #LLSItIsTime sa buong mundo. Todo puri ang Twitter users sa husay ng pag-arte nina Kathryn at Daniel pati na rin sa magandang visual effects ng transformation ni Malia.
“Mata niyo pa lang pamatay na, may action scenes pa. Ang galing-galing niyo, @bernardokath @imdanielpadilla! Palagi ko kayong ipagmamalaki at patuloy na pasasalamatan sa pagbibigay niyo ng best ninyo. Mahal ko kayo Will forever be proud & thankful to you two for always doing your best to give us, your fans and the viewers something worth watching. Luv u both, always,” ayon pa sa Twitter user na si @miamorkathryn.
Para kay @kataydall, “Ibibigay ko ‘tong episode kay Kathryn. Isa siyang versatile actress. Tingin ko pang acting award ito. Ilalaban ko ‘to.”
Lalong umiinit ang mga eksena sa La Luna Sangre dahil bukod sa paglabas ng kapangyarihan ni Malia, lumabas din ang marka ng sumpang tinta sa katawan ni Tristan (Daniel Padilla). Ano kaya ang ugnayan nina Tristan at Sandrino sa isa’t isa? Ano kaya ang magiging epekto nito sa relasyon nina Malia at Tristan?
Mas pinabagsik ang La Luna Sangre na napapanood pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa nakaraang episodes ng programa, mag-log on lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers. Para sa karagdagang updates, i-follow ang @starcreatives sa Facebook, Twitter, at Instagram.