Ni JUN FABON

Pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang isang security guard na tumakas makaraang barilin at mapatay ang dating kabaro, iniulat kahapon.

Sa report ni Police Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng CIDU, kinilala ang suspek na si Mark Estanislao, nasa hustong gulang, staff ng RJE Speedguard sa Katipunan Street, Barangay Old Balara, Quezon City.

Kinilala naman ang biktima na si Jay Tio, 24, dating sekyu sa nasabing tanggapan, na nagtamo ng mga bala sa katawan.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Bago ang insidente, lasing na dumating si Tio sa nabanggit na security agency at tinangkang saksakin ang dating mga kabaro na umano’y naglaglag sa kanya kaya nasibak sa trabaho.

Sa imbestigasyon ni PO3 Hilario Manawan, ng CIDU, basta na lamang dumating si Tio na dating pinagtatrabahuhan at unang sinaksak si Cirilo Pilapil, 54, security inspector, bandang 4:00 ng hapon kamakalawa.

Pati ang mga guwardiya na sina Lorenzo Magsipoc at Rolando Segaya ay sinugod ni Tio, dahilan upang siya ay barilin ni Estanislao.