NI Orly L. Barcala
Arestado ang pitong katao sa lingguhang simultaneous police operation sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng curfew, dalawang menor de edad ang inaresto sa loob ng internet cafe sa Samson Road, Barangay 73 ng lungsod.
Apat naman ang dinampot habang umiinom ng alak sa kalsada habang isang lalaki ang natiyempuhan ng mga pulis na nakahubad-baro.
Napag-alaman na mas kaunti ang nahuhuling lumalabag sa city ordinance kumpara nitong nakarang buwan na umabot sa 50 hanggang 100 ang inaresto.
Ayon kay Police Sr. Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan Police, natuto na ang publiko at alam na nila ang mga ordinansa.