Ni Ric Valmonte
SA proklamasyong inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte, idineklara niya ang Communist Party of the Philippines at ang New People’s Army (CPP-NPA) bilang terrorist organization, ayon sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012. “Kinategoryang ganito ang CPP-NPA dahil sa patuloy na karahasang ginagawa ng mga ito na nagdudulot ng takot sa mamamayan,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Pero, hindi dahil kinonsidera ng ehekutibo na terorista ang grupo, agad itong tatratuhing ganito sa ilalim ng batas at mga resolusyon ng security council. Kaya nga, aniya, inatasan ang Department of Justice (DoJ) na magsampa ng petisyon sa Regional Trial Court upang legal na ideklarang terrorist organization ang CCP-NPA ayon sa Human Security Act. Magkakaroon daw ng pagdinig kung saan ang mga rebeldeng grupo ay bibigyan ng pagkakataong magpaliwanag kung bakit hindi dapat sila kilalaning grupo ng mga terorista.
Sa palagay kaya ninyo isusumite ng CCP-NPA ang kanilang sarili sa hurisdiksiyon ng ating korte para harapin lang ang petisyong naglalayong kilalanin silang teroristang grupo? Nangangahulugan na nagpailalim sila sa gobyerno kapag ginawa nila ito. Kaya nga sa naudlot na usapang-pangkapayapaan, ang negosasyon ay sa pagitan nila at ng gobyerno na hiwalay at patas ang personalidad.
Sa proklamasyon ng Pangulo, hindi niya isinama sa ideneklara niyang grupo ng mga terorista ang National Democratic Front of the Philippine (NDFP) na siyang political arm ng CPP-NPA, ayon kay Roque. Wala siyang ibinigay na dahilan.
Pero, sa akin, ang nakikita kong dahilan ay iyong pagtatangka na hatiin ang grupo. Divide and rule, ika nga. Nais palabasin ng proklamasyon na malakas kay Pangulong Duterte ang kasapian ng NDFP, kaya hindi sila ibinilang sa mga teroristang nakalantad sa panganib na anumang oras ay may mangyaring hindi maganda sa kanila. Ang mas grabe pang epekto nito ay maaaring ipangalandakan ng propaganda machine ng Malacañang na inilaglag ng mga nasa NDFP ang kanilang mga kasama. Samantalang ang mga kasama nilang ito ay nakikipaglaban at napapatay, nasa ligtas na kalagayan ang mga NDFP.
Sana ganito lang ang mangyari. Kasi, hindi naman si Pangulong Digong ang magpapatupad ng kanyang proklamasyon. Tulad ng kanyang war on drugs, mga pulis at sundalo at nakalalamang na sa paghahabol nila sa mga terorista, isama ng mga pulis at sundalo sa isang buslo ang NDFP-CPP-NPA.