Ni Ric Valmonte

AYON kay Maj. Gen. Rhoderick Parayno, commander ng Army’s 2nd Infantry Division, nawawalan ng suporta ang New People’s Army (NPA). “Iyong mahahalagang impormasyon tungkol sa kinalalagyan ng NPA at ang kanilang mga gawain ay ipinagkakaloob ng mga pangkaraniwang mamamayan sa tawag sa telepono o mensahe sa text,” sabi ni Parayno. Aniya, ang mga sibilyan na nasa malalayong lugar, na traditional base ng mga rebeldeng komunista, ay nagbibigay ng importanteng impormasyon sa mga pulis at militar.

Nasabi ito ni Maj. Gen. Parayno bilang reaksiyon sa pahayag ni National Democratic Front Philippines (NDFP) Southern Tagalog spokesperson Patnubay de Guia. Aniya, ang mga rebolusyonaryo ng Batangas ay muling lalakas at mag-aarmas upang humalili sa mga martir nilang comrades sa Nasugbu. Kaugnay ito ng mga nasawing 15 NPA sa naganap engkuwentro sa mga sundalo at pulis sa Aga at Kaylaway, sa madilim na bahagi ng Tagaytay-Nasugbu highway. “Full-time guerrillas” ang mga ito, kasama ang dalawang mag-aaral ng University of the Philippines at Polytechnic University, ayon sa militar.

Mahirap paniwalaan ang tinuran ni Gen. Parayno na ipinagkanulo ng taumbayan ang 15 nasawing NPA; na nawawalan na ng suporta ang mga rebeldeng komunista sa mamamayan dahil ang mga ito ang nagtuturo sa kanilang kinaroroonan sa mga pulis at sundalo. Hindi kasi sila nasa mayamang lugar naglalagi kundi sa mga dukhang lugar na kinasasadlakan ng mga taong biktima ng maling pamamalakad ng gobyerno. Isa pa, hindi sa klase ng mga taong nag-aarmas, tulad ng dalawang mag-aaral na nasawi sa bakbakan, ang maging abusado at nang-aapi. Tagapagtanggol nga nila ang mga ito. Kung mayroon mang halaga ang ipinahayag ng heneral, hindi ito lalayo sa psywar at intriga.

Mas higit kong paniniwalaan na kaya natutunton na ng awtoridad ang mga rebelde ay dahil sa tiwala. Nanalig silang kaibigan nila si Pangulong Digong, kaya sila lumutang. Bakit nga ba hindi ka malilinlang, eh hindi pa umuupo ito, inireserba na niya ang dalawang posisyon sa kanyang Gabinete para sa mga rebelde o sa mga taong irerekomenda nila.

Department of Agrarian Reform at Department of Social Welfare and Development ang mga posisyong ito na ilan sa mga sangay ng gobyerno na madaling magparating ng tulong sa mahihirap. Kinausap ng Pangulo sa Malacañang ang mga kilalang makakaliwa, tulad ng ginawa niya ngayon sa mga nasugatang sundalo at mga opisyal ng militar. Binuksan niya ang usapang-pangkapayapaan sa NDF-CPP-NPA para lamang kanselahin nang nasa mahalagang yugto na sila ng kanilang pag-uusap. Ngayon, idineklara na niyang terorista ang grupo at ang mga miyembro nito. Ngayong nalalagasan na ang grupo dahil medyo alam na ng mga pulis at militar kung saan nila dadalhin ang laban, alam na nito kung anong klaseng tao ang kanilang nakitunguhan.