Ni Mary Ann Santiago

Nagsimula na kahapon ang four-day tour ng Miss Universe beauty queens sa Pilipinas.

Sama-samang namasyal ang pinakamagagandang babae sa daigdig, sa pangunguna nina Miss Universe 2017 Demi-Leigh Nel-Peters, Miss Universe 2016 Iris Mittenaere, at Miss Philippines-Universe Rachel Peters, sa ilang makasaysayang lugar sa Maynila.

Sakay sa electronic jeepney, binisita ng mga beauty queen ang mga Spanish-era architecture, World War II ruins at iba pang historical landmarks sa Intramuros, tulad ng Fort Santiago, gayundin ang Luneta Park kung saan matatagpuan ang monumento ni Dr. Jose Rizal.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Ngayong araw, inaasahang dadalo ang mga kandidata sa charity ball sa Solaire Resort and Casino at sa Christmas party ng Department of Tourism (DoT).

Bukas, Biyernes, ay hahatiin sa tatlo ang grupo para bisitahin ang Batanes, Bohol, at Camiguin.

Nabatid na si Nel-Peters ay sa Batanes magtutungo kasama sina Miss USA, Miss India, Miss Singapore at Miss Thailand, habang si Mittenaere naman ang mangunguna sa pagpunta sa Bohol kasama sina Miss Russia, Miss Netherlands, Miss South Korea, at Miss Canada.

Si Peters naman ang sasama sa mga kapwa niya kandidata mula sa China, Italy, Great Britain at Malaysia sa pag-iikot sa Camiguin.

Sa Sabado ng gabi ay itatampok sila sa Women of Significance Gala Night, isang fashion show, sa Hotel Sofitel, at sa Linggo, Disyembre 10, ay uuwi na sila sa kani-kanilang bansa.

Ang apat na araw nilang pamamasyal ay bahagi ng programang Bring Home a Friend marketing promotion ng DoT.