Ni Mary Ann Santiago

Sugatan ang isang 29-anyos na lalaki nang saksakin sa ulo ng nakababata niyang kapatid matapos mauwi sa pagtatalo ang yayaan sa inuman sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Julius Laureta y Zausa, ng 987 Quezon Boulevard, Sta. Cruz habang nakatakas naman ang kanyang kapatid na si Emmanuel Cayan y Zausa, 19, residente rin sa nasabing lugar.

Sa ulat ni PO1 Aaron John Nucum, ng Manila Police District (MPD)- Station 3, nangyari ang insidente sa H. Cano Street, kanto ng Quezon Boulevard, sa Sta. Cruz, dakong 4:00 ng madaling araw.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Una rito, galing umano ang biktima sa isang birthday party nang dumating sa pinangyarihan at nakita ang kapatid na umiinom.

Niyaya pa umano ni Cayan si Laureta na uminom ngunit tumanggi ang huli at nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang una at sinaksak sa ulo ang kanyang kuya bago tumakas.

Walang plano ang biktima na magsampa ng kaso laban sa kapatid.