Ni Manny Villar
ANG pagbisita ko sa Silicon Valley sa San Francisco at ang sinasabing susunod na Silicon Valley, ang Seattle sa Washington Statre ay nagbukas sa aking mga mata sa napakaraming posibilidad sa kinabukasan. Isang paalala ito na napakabilis ng nangyayaring pagbabago at kailangan nating maunawaan kung paano maaaring baguhin ng teknolohiya ang paraan kung paano tayo naghahanap-buhay at namumuhay.
Pag-usapan natin ang dako ng hanap-buhay. Nasanay tayo sa tradisyunal na kaayusan ng mga opisina – paghahati ng mga lamesa ng mga empleyado, walang buhay na dinding at nakababagot na kapaligiran.
Ito ang binabago ng malalaking kumpanyang teknolohiya. Halimbawa, kilala ang Microsoft sa paglalagay ng malalaking mesa na may malaking touchscreen tablet, upang matulungan ang mga empleyado na madaling makuha ang kailangang mga impormasyon.
Ang mga opisina naman ng Google ay kilala sa pagkakaroon ng padulasan, na ginagamit ng mga empleyado upang lumipat sa iba’t ibang palapag, maging sa cafeteria.
Naglagay naman ang Amazon ng mga whiteboard sa mga elevator at mga bukas na lugar upang mahikayat ang mga empleyado na magsagawa ng mga pagpupulong.
Maraming opisina ng mga kumpanya sa teknolohiya ang naglagay ng palaruan kung saan maaaring maglibang o matulog ang mga empleyado upang magpanibagong lakas.
Ang pilosopiya sa likod ng mga pagbabagong ito ay upang mabigyan ang mga empleyado ng angkop na kapaligiran upang pagbutihin ang kanilang pagtatrabaho.
Nakatatawag-pansin ngunit hindi ito maaaring isagawa sa lahat ng uri ng negosyo. May mga naniniwala pa rin na kailangan ang maayos na mga opisina upang mahusay na makakilos ang mga empleyado.
Gayunman, naniniwala ako na may makukuha tayong aral sa mga kumpanya sa teknolohiya na hindi kailangang gawing palaruan ang ating mga opisina. Ang pagbibigay ng kalayaan sa pagkilos ay makatutulong upang maging mas produktibo ang mga empleyado.
Sa ngayon, sinisimulan ko nang isipin kung ano ang magiging itsura ng aking negosyo sa kinabukasan. Ang tuntunin dito ay ang kakayahang umagapay sa mabilis na pagbabago upang hindi mapag-iwanan.
Iniisip ko rin kung paano mababago ng teknolohiya ang ating bayan. Kailangan nating mamuhunan upang magtatag ng imprastruktura sa impormasyon at teknolohiya upang mapakinabangan natin ang kaunlaran sa teknolohiya. Mahalagang hakbang ang pagkakaroon ng pambansang broadband program. Kailangang simulan ng Department of Education ang pagbuo ng curriculum na gagamit ng digital technology.
Maaaring malayo pa bago mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi sapat na harapin lamang ang mga kasalukuyang problema. Kailangan nating isipin kung paano mapabubuti ang ating buhay sa hinaharap.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)