Ni: Orly L. Barcala

Patay ang isang 29-anyos na lalaki nang pagsasaksakin at bagsakan pa sa mukha ng hollow block ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Rodel Lavina, ng Barangay 178, dahil sa mga natamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Basag din ang mukha at bungo ni Lavina, matapos bagsakan ng hollow block.

National

China, walang natanggap na asylum application sa kampo ni FPRRD

Ayon sa report, bandang 2:00 ng umaga nang inabangan umano si Lavina sa kanto ng Phase 7, Block 8 ng mga hindi nakilalang suspek, na tinatayang nasa apat.

Kuwento ng mga residente, nakarinig sila ng malalakas na yabag at ungol ng isang lalaki na humihingi ng tulong.

Hindi umano sila kaagad na lumabas sa takot na madamay sa gulo, pero makalipas ang ilang sandali ay nag-usyoso sila at natagpuan ang duguang si Lavina na nakabulagta sa semento.

Hinala ni Roger Buella, kapatid ni Lavina, posibleng mga kaaway ng huli ang gumawa ng krimen dahil kamakailan ay pinagbabato ng grupo ng kabataan ang bahay ng biktima.