Ni Malu Cadelina Manar
KIDAPAWAN CITY, North Cotabato – Matapos ang 110 araw na pagkakabihag, sa wakas ay pinalaya na kahapon ng mga rebelde si PO1 Bristol Catalan, ng Makilala Police, sa kabundukang lugar sa North Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Kidapawan City Councilor Ruby Padilla-Sison.
Kasama ang iba pang konsehal, isa si Sison sa nakasaksi nang palayain ng mga miyembro ng New Peoples’ Army (NPA) at ibalik sa kanyang pamilya si Catalan.
Agosto 17, 2017 nang dukutin si Catalan habang sakay sa kanyang motorsiklo, angkas ang dalawa niyang anak na lalaki, sa Purok 3, Barangay Katipunan sa Kidapawan City.
Sinabi ni Sison na ipinag-utos ng pinuno ng NPA na palayain na si Catalan dahil walang nakikitang dahilan ang mga rebelde para panatilihing bihag ang pulis.