Ni Bert de Guzman
MABAGSIK ang banta ng komunistang kilusan sa Pilipinas na paiigtingin ng New People’s Army ang mga pag-atake laban sa gobyerno kapag pormal na idineklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Communist Party of the Philippines at NPA bilang terrorists groups.
Nagbanta ang National Democratic Front, ang umbrella organization na kumakatawan sa CPP-NPA sa usapang-pangkapayapaan sa gobyernong Pilipino, na ilulunsad nito ang totohanang giyera sa sandaling binalewala ni PRRD ang peace efforts at pormal na itinuring ang mga rebelde bilang mga terorista.
Mula sa Mindanao, sinabi ni NDF-Mindanao spokesman Joaquin Jacinto na sa may 50 taong pakikibaka ng CPP-NPA-NDF, pinatunayang ito ay advocate at defender ng interes at kagalingan ng naghihirap at pinagsasamantalahang mamamayan.
Ayon kay Jacinto, ang kilusang komunista ay isang revolutionary organization na naglalayong magtatag ng isang lipunan na hindi nakatanikala sa imperialist domination.
Para sa mga komunistang rebelde sa Mindanao, ang CPP-NPA-NDF ay hindi kailanman magiging mga terorista. Maglulunsad ang NPA-Mindanao ng pinaigting at mas madalas na pagsalakay at pananambang upang pigilan ang military operations na naghahatid lang umano ng kamatayan, pinsala at paghihirap sa taga-Mindanao.
Samantala, matapos ipatigil ni PDu30 ang peace talks sa mga komunista, iniutos niya sa military at police na barilin ang mga armadong rebelde na kanilang makikita o makakasagupa. Inatasan din niya ang AFP at PNP na muling dakpin ang matataas na lider ng CPP-NPA-NDF na una niyang pinalaya bilang consultants sa usapang-pangkapayapaan.
Badya ni Pres. Rody: “Kapag may armadong NPA dyan o terorista, kapag may hawak siyang baril, barilin siya agad.”
Nakahanda raw siya na ipagtanggol ang mga kawal at pulis laban sa mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa pagpatay sa NPA rebels.
Sinabi ni Mano Digong na pinaghahanda niya ang kanyang grupo ng isang executive order na magdedeklara sa CPP-NPA-NDF bilang mga terorista. Para sa pangulo,... kapag meron nang EO, ang mga komunistang rebelde ay ituturing nang mga kriminal.
Inakusahan ni Jose Maria Sison si PRRD bilang isang terorista at pasista. “Siya mismo ang terorista dahil sa pagpatay sa mga drug pusher at user at mahihirap na mamamayan,” sabi ni Joma. Tugon ni Pres. Rody: “Huwag kang uuwi sa Pilipinas dahil ipadarakip kita. Ikaw ay may sakit kung kaya dyan ka na lang mamamatay. Kaysakit na sa ibang bansa pumanaw.” Aba, bakbakan ito ng isang propesor at ng kanyang estudyante. Bakbakan na!