Ni: Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, dahil sa mga relasyong hindi nagtatagal at mga pagsasamang mapait na nagtatapos, nauso ang kasabihang “walang forever sa pag-ibig”. Kahit ang mga magkasintahan o mag-asawang akala natin ay hanggang wakas ang pag-iibigan—sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan—ay maaari ring maghiwalay. Maaaring sa mga biruan lamang tungkol sa pag-ibig ginagamit ang kasabihang “walang forever”. Ngunit may isang bagay na maaaring magtagal ngunit hindi magiging magpakailanman.
Sa Zimbabwe, sa Africa, libu-libong mamamayan ang nagtungo sa mga lansangan ng kapitolyo nito, ang lungsod ng Harare, upang ipakita ang kanilang suporta sa umuugong na pagpapatalsik sa diktador na si Robert Mugabe. Pangulo si Mugabe ng Zimbabwe sa loob ng halos apat na dekada, at hindi niya ninais ni minsan na ipasa sa iba ang kapangyarihang mamuno.
Pinamunuan niya ang Zimbabwe bilang isang diktador—walang maaaring kumuwestiyon sa kanya; hawak niya sa leeg ang kanyang mga itinalaga sa pamahalaan; at nabuhay nang maluho ang kanyang asawa habang lugmok sa kahirapan ang maraming mamamayan ng kanyang bansa. Parang pamilyar, hindi po ba?
Samantala, sa Venezuela ay patuloy naman ang panggigipit ng rehimen ni Nicolás Maduro sa mga itinuturing nitong kalaban ng estado. At ngayong nasa matinding krisis at kahirapan ang Venezuela dahil sa pagkakabaon sa napakalaking utang—partikular sa China—marami ang humihiling ng kanyang pagbibitiw sa puwesto. Ngunit matindi ang kapit ni Maduro sa kanyang posisyon, kahit pa kaakibat nito ang pagpapawalang-saysay sa mga demokratikong institusyon, ang lantarang pagyurak sa karapatang pantao, at ang paggamit ng dahas para busalán ang bibig ng mga tumututol sa kanyang mga patakaran. Inakusahan din ni Maduro ang mga pari ng Simbahang Katolika sa Venezuela na bahagi ng mga grupong sumisira sa kanyang bansa. Pamilyar din po ba para sa inyo ang mga nangyayari sa Venezuela?
Sinusubaybayan ng marami ang mga kaganapan sa mga bansang ito na pinamumunuan ng mga diktador. Mapangangatawanan kaya ng mga taga-Zimbabwe ang kanilang paninindigang labanan ang diktador na si Mugabe? Darating kaya ang puntong hindi na matitiis ng mga taga-Venezuela ang matinding kahirapang bunga ng mga pinunong nananatili sa kapangyarihan nang walang checks and balances? Panahon ang makapagsasabi kung kailan maibabalik sa mga mamamayan ng mga bansang ito ang kapangyarihang inaangkin at inaabuso ng kanilang mga pinuno. Ngunit isa ang malinaw—walang forever para sa mga diktador. Hindi ba’t nagawa nating mga Pilipino na patalsikin ang isang diktador tatlumpung taon na ang nakalilipas?
Nakabibighani ang pagkakaroon ng kapangyarihan dahil sa mga pakinabang na maibibigay nito sa isang tao. Ngunit paalala ni Pope Francis, “the more powerful you are, the more your actions will have an impact on people, the more responsible you are to act humbly.” Hanggang nagiging mas makapangyarihan ang isang tao, lumalaki rin ang epekto ng kanyang mga kilos sa iba, kaya kaakibat nito ang responsibilidad na maging mas mapagpakumbaba. Wala ang pagpapakumbabang ito sa mga diktador na nagpakalasing sa kapangyarihan.
Sa hiwalay na panayam, ibinabalâ ni Pope Francis na may mga diktador na iniluklok sa kapangyarihan sa pamamagitan ng lehitimong proseso ng halalan, katulad ni Adolf Hitler ng Germany. Totoong may malalaking krisis sa isang lipunang nagtutulak sa mga taong pumili ng mga pinunong nangangako ng mabilisang pagbabago, ngunit sa kalaunan, gagamitin ng mga pinunong ito ang kapangyarihang iyon sa layuning magtagal sa kapangyarihan. Kaya napakahalaga na maging matalino tayo sa pagpili ng ating mga pinuno.
Sa huli, mga Kapanalig, nasa mga kamay ng mga mulat at may konsensiyang taumbayan ang kapalaran ng mga diktador.
Hindi hinahayaan ng mga mamamayang naniniwala sa katotohanan, sa matalino at mahinahong pangangatwiran, at sa kasagraduhan ng buhay, na magkaroon ng “forever” ang isang pinunong diktador.
Sumainyo ang katotohanan.