Ni AARON RECUENCO
Nauwi sa madugo ang pagtatalong nag-ugat sa panghihiram ng motorsiklo sa Cainta, Rizal nang barilin at patayin ng kaibigan ng may-ari ng motorsiklo ang isang 49-anyos na lalaki at aksidenteng mapatay ang isang bagitong pulis at makasugat ng dalawang iba pa, kabilang ang isa pang bagitong parak.
Base sa imbestigasyon, ito ay nagsimula nang subukang kumprontahin ng isang Jobert Lagrimas ang isang Jeffrey Pasco na humiram ngunit nakasira ng kanyang motorsiklo, dakong 9:00 ng gabi nitong Biyernes.
Ngunit wala si Pasco noong oras na iyon at pinagbalingan umano ni Lagrimas ay ang dalawang kamag-anak ng una, kinilalang sina Danilo Cruz, Jr. at ang 17-anyos na si Carl Aldrin Pasco.
Natigil lamang ang maaanghang na salita nang dumating ang live-in partner ni Lagrimas at siya ay pinauwi.
Hindi rito natigil ang pangyayari, gayunman, humingi umano ng saklolo si Lagrimas sa kanyang apat na kaibigan, dalawa sa mga ito ay kinilalang sina Richard Bernas at Jayson Lagrimas, at muling bumalik sa bahay ni Pasco sa Robles Compound.
Dahil nakaramdam na magkakaroon ng gulo, kumuha umano si Cruz ng bolo at inatake ang grupo. Inatake niya si Bernas ng bolo.
Dito na binunot ni Bernas ang kanyang baril at makailang beses binaril si Cruz.
Tinamaan ng ligaw na bala ang dalawang istambay at kabilang na rito si Police Officer 1 Arnel Canete.
Tinamaan si Canete habang sinusubukan niyang yumuko. Siya ay idineklarang patay sa pinakamalapit na ospital.
Sugatan din sina Joel Colasito, 26, at ang 17-anyos na si Pasco.
Agad tumakas sina Bernas, Lagrimas at kanilang mga kasamahan matapos ang insidente at kasalukuyang tinutugis ng awtoridad.