NI: Erik Espina

NAPAKARAMING dekada ang naglakbay, libu-libong buhay ang nalagas, bilyon-bilyong pisong negosyo at ari-arian ang nasira, palayang nakatiwangwang sa panggogoyo, at nasayang na oportunidad para sa ating bansa dahil sa paghahasik ng ideolohiya, giyera, at terorismo ng CPP-NPA-NDF.

Ito na marahil ang pinakamatagal na komunistang kaguluhan na nagaganap sa buong mundo. Masyado siguro tayong mabait porke kapwa Pilipino ang kabagbagan? Iniisip natin, baka naliligaw lang ng landas ang mga sumasampalataya kay Mao Tse Tung at sa apostol ng huli na si Jose Ma. Sison. Baka kaya pang idaan sa usapan? Sa pakiusapan? Sa bigayan? Sa unawaan? Sa mapayapang pamamaraan?

Sabi nga nila, iwasang makipagbasag-ulo dahil mas maigi ang walang katapusang pondahan, kesa putukan ng baril.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Subali’t kung tutuusin, hindi talaga maaaring ipaghalo ang tubig sa langis, ang tumatalima sa batas kontra sa mga lumalabag nito. Kahit ano pa ang dahilan, o palamuting palusot, kesyo makatarungan ang kanilang ipinaglalaban o pambansang demokrasya ng maralita ang isinusulong. At kung alin pang binurdang mga simulain.

Kung nais natin magkaroon ng tunay na kapayapaan, wakasan na ang “usapang walang kapayapaan”. Kailangan nang ipatupad ang batas ng Republika. ‘Yan ang makatarungan! Layunin ng CPP-NPA-NDF ang pahabain ang labanan, kasama ang dakdakan.

Puntirya nilang palakasin ang kanilang hanay sa pakikibaka, kasama lahat ng sektor hal. kabataan, manggagawa, magsasaka, artista, guro, madre atbp., na nakapaloob sa ‘National Democratic Front’. Pati kongreso swak rin nila.

Lahat ng pagkakataon ay itinutok nila sa kawagian ng mapula at madugong kawakasan ng malayang Pilipinas.

Ginagamit nila ang demokrasya upang wasakin ang ating demokrasya. Tumpak ang mga babala at naging hakbang nina Presidente Ramon Magsaysay, Ferdinand Marcos at Erap Estrada laban sa pagbabalat-kayo ng CPP. Habang pinapalakpakan naman ng sambayanan ang bagong proklamasyon ni... Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklarang terorista ang mga komunista, kabalikat, pagputol sa napanis na laway ng “peace talks”. Sana may bagong batas kontra sa pagsapi sa terorismo at mga frente nito, kasabay ng pabuya sa pagsuko ng mga armas,at pagbabalik-loob sa Saligang Batas ng Pilipinas.