Ni: Aris Ilagan

HINDI maipagkakailang natuturete na ang mga dating rider ng Angkas, isang app-based motorcycle service company, matapos suspendihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon nito.

Matapos mawalan ng hanapbuhay ang halos 15,000 rider na halos lahat ay ordinaryong nilalang na isang kahig, isang tuka, hindi ngayon malaman ng mga ito saan kukuha ng pantustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Kayod! Kayod! Kayod!

Maski gaanong katindi ang kanilang gawing pagkayod ay wala pa ring makakabig.

Sa halip na makatulong sa mga mamamayan ngayong matindi ang kakulangan ng pampublikong sasakyan sa Metro Manila, nakatengga ang mga dating Angkas rider dahil wala na silang trabaho.

Imbes na maging propesyunal at ligtas ang kanilang paninilbihan sa mga mamamayan bunga ng mga training at seminar na ipinagkakaloob ng Angkas sa kanilang sertipikadong rider, babalik ang sila sa lansangan bilang mga kolorum unit.

‘Wag na tayong magtaka kung ang mga ito ay patuloy na bibiyahe at kukuha ng mga pasahero dahil kailangan nilang pakainin ang kanilang mga mahal sa buhay.

Magtungo kayo sa mga commercial district ng Makati, Pasig, Mandaluyong at Taguig, ipapuputol ko ang aking ulo kapag hindi kayo nakakita ng habal-habal rider.

Nitong nakaraang Lunes, ibinuhos ng mga dating Angkas rider ang kanilang sama ng loob sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng sakay sa mga pasahero ng Metro Rail Transit.

Binulaga ng mahigit 200 Angkas rider ang gobyerno nang bigla silang pumuwesto sa MRT North Avenue Station at biglang nagsakay ng mga pasahero nang hindi humihingi ng bayad.

Upang maiwasan ang kahihiyan, biglang sumulpot ang mga kinatawan ng LTFRB sa lugar at pinakiusapan ang mga Angkas rider.

Iginiit ng LTFRB na ilegal pa rin ang kanilang libreng sakay dahil wala silang koordinasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Nataon na tumirik ang MRT sa mga oras na iyon.

O, LTFRB, ano’ng koordinasyon ang kailangan para rito? Kaya n’yo bang bigyan ng masasakyan ang mga stranded na pasahero?

Hindi rin siguro naisip ng gobyerno na karamihan sa mga Angkas rider ay hulugan ang pagbili ng kanilang motorcycle unit.

Sa kanilang intensiyon na magkaroon ng disenteng hanapbuhay, tinitiis nila... ang init, usok, alikabok at ulan sa pagbiyahe sa araw-araw.

Bago ito ipasara ng gobyerno, ang Angkas ang nag-iisang app-based motorcycle taxi na may operasyon sa Metro Manila.

Asahan nating tuloy ang pagbiyahe ng mga nadiskaril na Angkas rider sa pamamagitan ng ‘guerilla operations’, lalo na ngayong Pasko.