Ni: PNA
ITATAAS ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang buwanang kontribusyon nito simula sa Enero 2018, upang palakasin ang mga programang pangkalusugan ng ahensiya.
Inihayag ni Bryan Jabay, PhilHealth regional information officer, na ang dagdag na kontribussyon ay alinsunod sa PhilHealth Circular No. 2017-0024 na ipinalabas ni PhilHealth interim president at Chief Executive Officer Ma. Jude Dela Serna noong Setyembre 11, 2017.
Batay sa circular, sinabi ni Jabay na ang premium ay may rate na 2.75 porsiyento base sa buwanang suweldo na pinakamababang P10,000 at pinakamataas na P40,000, upang pantay na maibahagi sa mga employer at mga manggagawa.
Aniya, tataas ang monthly premium, at mula sa P250 ay magiging P275 para sa mga sumusuweldo ng P10,000 pababa.
Ang kontribusyon ng mga empleyadong may buwanang kita na P39,999.99 ay magtataas sa P1,099.99 mula sa P1,000, samantalang magigng P1,100 na ang kontribusyon mula sa P1,000 para sa P40,000 ang buwanang suweldo.
Saklaw ng bagong rate ang miyembro ng formal economy, kabilang ang mga kasambahay, mga overseas Filipino worker na nakabase sa dagat, at lahat ng empleyado ng gobyerno at sa pribadong sektor.
Sinabi rin ni Jabay na layunin ng dagdag-kontribusyo na ito na magbigay ng sapat na pondo sa PhilHealth upang epektibong masolusyunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga miyembro nito, lalo na ng mga indibiduwal na kakaunti ang kinikita.