Nagbigay ng reaksiyon si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag kaugnay sa resulta ng paraffin test na isinagawa kay Mel Oragon.
Si Oragon ang volunteer driver na pinagsusupetsahang nagpaputok nang sumiklab ang gulo sa Senado, gabi ng Mayo 13.
Matatandaang sa isinagawang press briefing noong Lunes, Mayo 18, sinabi ni Southern Police District (SPD) spokesperson Lt. Margaret Panaga na nagpositibo raw si Oragon sa gunpowder residue, indikasyon na gumamit ng baril ang huli.
Ngunit sa ginanap na monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Martes, Mayo 19, nilatag ni Matibag ang iba pang anggulo sa kaso ni Oragon.
Aniya, “In the chain of custody, in that ballistic order, dapat nakukuha mo 'yon baril tapos ipapa-paraffin mo siya. So do'n mo makikita. That’s the possibility na nagpaputok ng baril. 'Yon 'yong inisyal agad na iisipin.”
Ngunit posible rin umanong makuha ang gunpowder sa ibang paraan, anang NBI director.
“Halimbawa 'yong humawak sa 'yo mayro'ng gunpowder sa kamay, nalipat sa 'yo, sa katawan mo. But ito ngayon, nakita ko. [Oragon] was arrested from GSIS, dinala siya sa Senate ground, sa second floor,” saad ni Matibag.
Dagdag pa niya, “ Idinapa siya kung saan mismo nagpaputok ng baril 'yong mga OSAA. Maraming gunpowder do'n sigurado. So that's a possibility. “
Matatandaang nauna nang itinanggi ni Oragon na nagpaputok siya sa gitna ng kaguluhan sa Senado noong gabi ng Mayo 13. Iginiit pa niyang may video umanong nagpapatunay na wala siyang baril.
Kaugnay na Balita: Giit ni Matibag: NBI ang inaatake, hindi Senado!
Kaugnay na Balita: Matibag, itinangging empleyado ng NBI si Mel Oragon