Ni: Lyka Manalo
TUY, Batangas - Patay ang 54-anyos na tiyuhin ng isang TV reporter matapos umanong bumulusok sa bangin, sa ginagawang road widening project, ang sinasakyang tricycle sa Tuy, Batangas nitong Linggo.
Ayon kay Dennis Datu, reporter ng ABS-CBN, dead on arrival sa ospital ang kanyang tiyuhin na si Raymundo Cabral, na taga-Barangay Laurel, San Pascual.
Minamaneho umano ng biktima ang tricycle pauwi mula sa Nasugbu nang subukang iwasan ang tumatawid na aso kaya bumulusok sa may 30-talampakang bangin, mula sa ginagawang road widening sa highway na sakop ng Bgy. Luntal, Tuy.
Pinag-aaralan pa ng pamilya ang pagsasampa ng kaso laban sa contractor ng road widening project dahil sa umano’y kakulangan ng barriers sa gilid ng highway.