Ni: Marivic Awitan

NANAIG ang Ateneo at National University para manatiling walang gurlis sa UAAP Season 80 juniors basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Pinabagsak ng Blue Eaglets ang defending champion Far Eastern University-Diliman Baby Tams, 59-47, habang pinigil ng Bullpups ang University of Santo Tomas Tiger Cubs, 89-85.

Sa iba pang laro, ginapi ng Adamson University ang De La Salle-Zobel, 62-58, habang pinataob ng UP Integrated School ang University of the East, 83-81.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sosyo sa liderato ang Ateneo at NU tangan ang parehong 3-0 marka, habang magkasama ang Baby Tamaraws at Tiger Cubs sa 2-1.

Umarya ang Eaglets sa second period, 35-17, at hindi na pinaporma ang karibal para mahila ang winning streak sa double digits na bentahe.

Nanguna si Enrico Manuel sa Ateneo na may 16 puntos, 11 rebounds at tatlong blocks, habang kumana si SJ Belangel ng 15 puntos at pitong boards.

Hataw sina LJ Gonzales at RJ Abarrientos sa naiskor na 25 puntos sa FEU-Diliman.

Sinandigan naman ni Rhayyan Amsali na may 17 puntos, 10 rebounds, at limang steals ang Bullpups para makaabante sa 38-47 sa halftime.