Arestado ang isang babaeng estudyante sa senior high school makaraang pasimpleng sirain niya ang mga bag ng apat na dumalo sa isang music festival sa isang mall sa Pasay City upang madukot ang mga cell phone at pera ng mga ito, nitong Sabado ng gabi.

Nadakip si Rina Delos Santos, 18, matapos na matuklasan ng mga menor de edad na biktima na sinira ang kani-kanilang backpack at nawawala ang mahahalaga nilang gamit habang sila ay nagpa-party sa Hydro Manila Music Festival sa Central Park ng SM By the Bay sa Mall of Asia (MOA).

Ayon sa mga biktima, nagsasayaw sila kasama ang maraming iba pa bandang 10:00 ng gabi nang mapansin nilang sira na ang kani-kanilang mga bag.

Itinuro ng ilang saksi si Delos Santos bilang isa sa mga suspek na nang-umit sa kanilang mga gamit at kaagad siyang ini-report sa mga security officer ng event.

May lason? EcoWaste may babala 'di awtorisadong bersyon ng Labubu dolls

Nabawi ng mga biktima ang kani-kanilang mga wallet, pero wala na ang aabot sa P4,000 cash nila.

Gayunman, isinauli ni Delos Santos ang dalawa sa apat na cell phone na nawawala, ayon sa pulisya.

Sinabi ng pulisya na may dalawa pang kasabwat si Delos Santos, pero tumanggi ang huli na pangalanan ang mga ito.

Katwiran ni Delos Santos, hindi siya ang nagnakaw sa mga biktima, at nagulat pa umano siya nang iabot sa kanya ng isang tao ang mga isinuko niyang cell phone. - Martin A. Sadongdong