Ni KATE LOUISE B. JAVIER
Pitong katao, kabilang ang dalawang bata, ang sugatan sa sunog sa dalawang-palapag na bahay sa Caloocan City, nitong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Fire Officer 3 Alwin Culianan, Bureau of Fire Protection arson investigator, umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nagsimula sa ikalawang palapag ng gusaling pag-aari ni Aurea Lao sa 4th Street, Barangay Grace Park, bandang 2:30 ng hapon.
Sa salaysay ni Sally, manugang ni Lao, nagmula ang apoy sa unit na inookupahan ng mag-asawang Editha, 59; at Marcelino Mendoza, 61.
Base sa report, inookupahan ng mga biktima ang apat sa pitong unit ng gusali na halos lahat ay gawa sa light materials.
Kabilang sa mga biktima ang walong taong gulang at isang taong gulang na nagtamo ng paso sa paa at puwit.
Sugatan din ang mag-asawang Mendoza, ang ina ng lalaki na si Jean Soto, 40; Anita Chan, 51; at Betty Tumagara, 45.
Sinabi ni Culianan na nasa 48 truck ang rumesponde upang patayin ang apoy na naapula sa ganap na 4:48 ng hapon.
Aabot sa P450,000 halaga ng ari-arian ang naabo habang patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog.