Ni: Orly L. Barcala

“Do not talk to strangers”.

Ito ang kasabihan na magsisilbing aral sa isang delivery girl na hinoldap ng lalaking pinagtanungan niya ng direksiyon sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Bakas pa sa mukha ang sobrang takot nang magtungo sa presinto ang biktimang si Joana Marie Gaor, 28, ng P. Gomez Street, San Isidro Village, Concepcion 1, Marikina City.

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Kuwento ng dalaga, sakay siya sa motorsiklo nang baybayin niya ang Barangay Canumay West Bridge, Valenzuela City at nadaanan niya ang isang lalaking nakaupo sa motorsiklo.

Tinanong ni Gaor ang lalaki kung saan ang shortcut patungong Bgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City na itinuro naman ng huli, dakong 7:30 ng gabi.

Pagsapit sa Pablo Angeles St., Bgy. Gen. T. De Leon, may nambangga sa likod ng motorsiklo ni Gaor kaya napilitan siyang huiminto at bumaba.

Sa pagtingin niya sa likod ng kanyang motorsiklo, tinutukan siya ng baril ng suspek at nagpahayag ng holdap.

Nagulat ang biktima nang malaman na ang holdaper ay ang lalaking kanyang pinagtanungan ng direksiyon sa Canumay Bridge.

Natangay kay Gaor ang kanyang cell phone, na nagkakahalaga ng P5,000; mga beauty products na kanyang ide-deliver; at P700 cash.