NI: Bella Gamotea

Inaresto ng mga tauhan ng Makati City Police ang sinasabing may-ari ng isang spa center at anim nitong massage attendants dahil sa umano’y pag-aalok ng extra service sa nasabing establisyemento sa lungsod, nitong Martes ng gabi.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek na sina John Martin Ibe y Sansalian, 30, na itinuturong may-ari ng spa center, ng A. Maceda Street, Pinagsangahan, Pagsanjan Laguna; Lester Dela Cruz y Canlas, 22, ng No. 143 Wawa St., Alabang, Muntinlupa City; Anolowil Vicera y Avenido, 25, ng KM.7-5B Matina, Pangil Davao City; Alvin Cardinas y Maga, 28, ng No. 2 Bagong Paraiso, Bayanan Muntinlupa City; Elmer Agquiz y Quero, 28, ng Block 12 Lot 45 Barcelona 3, Buhay na Tubig, Imus Cavite; Jay Mark Estevel y Magistrado, 20, Block 3 Lot 1, Camia St., TS Cruz Subdivision, Las Piñas City; at Ralph Oliver Lim y Bautista, 29, ng No. 744 E. Taleon St., Sta. Cruz, Laguna.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Special Operation Unit (SOU) ng Makati City Police, sa pangunguna ni Inspector Jeson Vigilla, sa Green Palace Spa sa Unit 103, 1116 Atrocity Building, Antipolo St., Barangay Poblacion ng nasabing lungsod, dakong 11:13 ng gabi.

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

Una rito, nagsagawa ng ilang linggong surveillance at koordinasyon sa operating unit, kasama ang confidential informant, para sa transaksiyon sa seksuwal na serbisyo sa loob ng naturang spa center dahilan upang magkasa ng operasyon na naging sanhi ng pagkahuli ng mga suspek.

Hindi na nakapalag ang mga suspek na nakumpiskahan ng P2,000 marked money; P15,620 cash na kita; anim na cell phone; isang laptop at mga booking receipt na ginamit sa illegal nilang negosyo.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong may kaugnayan sa prostitusyon.