Ni: Bella Gamotea
Natapos na ang gusot sa pagitan ng may-ari ng isang farm at mga nagrereklamong tindero ng karneng baboy sa Lian, Batangas.
Ito ay matapos magkasundo ang mga tindero na iurong na ang kanilang petisyon laban sa DV Boer Farm, na pinamumunuan ni Dexter Villamin.
Una nang hiniling ng mga tindero kay Lian Mayor Isagani I. Bolompo na ipasara ang talipapa ng nasabing farm sa Barangay Prenza dahil sa pagbebenta ng mas murang karneng baboy.
Sa kanilang liham sa alkalde, inireklamo ng mga tindero na lubhang mababa ang presyo ng karneng baboy sa talipapa na nakaaapekto nang malaki sa kanilang benta.
Sa paghaharap sa tanggapan ng alkalde, ipinaliwanag ni Villamin, presidente at CEO ng nasabing farm, na mas mababa ang presyo ng kanilang karne dahil pawang kapitbahay lang niya ang nag-aalaga sa kanyang mga baboy.
Kasabay nito, inalok ni Villamin ang mga nagrereklamong tindero na maaari rin ang mga itong mag-alaga ng baboy para sa kanya upang madagdagan ang kita ng mga ito.