(Ikalawang bahagi)
ni Clemen Bautista
AYON sa kasaysayan, ang Pista ni San Clemente sa Angono ay nagsimula pa noong 1880 nang si Kapitan Francisco Guido, ang may-ari noon ng Hacienda de Angono, ay magtayo ng isang simbahan sa Biga (isang magubat na pook na malapit sa bundok na ngayon ay isa nang malaking subdivision). Ginawa nilang patron si San Clemente, ang ikaapat na Papa sa Roma. Mula noon hanggang sa ngayon sa kabila ng mga pagbabago ng panahon, patuloy na ipinagdiriwang ang Pista ni San Clemente.
Ang Pista ni San Clemente ay binubuo ng siyam na gabing Nobena-Misa ng mga namamanata at iba pang may debosyon kay San Clemente. Sa bawat gabi matapos ang Misa-Nobena, sinusundan ito ng pagsasayaw ng mga deboto sa harap ng simbahan sa saliw ng tugtuging martsa ng Angono National Symphonic Band, na pawang komposisyon ni Maestro Lucio D. San Pedro. Pagkatapos ng tugtog at sayaw ng mga deboto, pumapalakpak at sumisigaw ng “Viva San Clemente!”, kasabay ang masayang kalembang ng mga kampana.
Bahagi rin ng Pista ni San Clemente ang parada ng mga banda ng musiko sa Bisperas Mayores o Bisperas ng Pista tuwing ika-22 ng Nobyembre. Nagsisimula ng 9:00 ng umaga sa bukana ng Rainbow Subdivision sa Barangay San Isidro at nagwawakas sa harap ng Parokya ni San Clemente.
At sa saliw ng tig-isang tugtuging martsa ng bawat banda na musiko, ang mga deboto ni San Clemente ay nagsisipagsayaw. Ang pagsayaw ay bahagi ng pasasalamat, debosyon at panata kay San Clemente. Sa bawat pagtatapos ng tugtog ng banda ng musiko, masayang kumakalembang ang mga kampana kasabay ng sigaw na “Viva San Clemente!” ng mga deboto.
Sa bisperas ng pista, bahagi rin ang serenata ng banda ng musiko, ang pagpapalipad ng malaking “ot air balloon at ang fireworks. Bahagi rin ng kapistahan ang “Higantes Festival” tuwing Linggo bago ang araw ng kapistahan.
Ang Pagoda sa Dagat o fluvial procession ang pinakamagandang bahagi ng Pista ni San Clemente sa Angono tuwing ika-23 ng Nobyembre. Ang bahaging ito ng kapistahan ay paggunita sa buhay ni San Clemente nang itapon siya ng mga pagano sa dagat ng Crimea.
Nagsisimula ang Pagoda o fluvial procession matapos ang concelebrated mass ng 6:00 ng umaga sa simbahan. Sa prusisyon patungo sa Laguna de Bay na pagdarausan ng fluvial procession, kasama na ang mga Parehadora ng bawat barangay na tinutugtugan ng banda ng musko, ang kabataan, ang mga deboto ni San Clemente, at ang mga propesyunal.
Ang Pagoda ay isang ‘tila malaking altar na nakapatong sa anim na malalaking bangka ng pukot na pinagtabi-tabi. Dito isinasakay ang imahen ni San Clemente, ng Mahal na Birhen, at ng San Isidro Labrador. Nagagayakan ng mga banderang pula at puti at mga dahon ng Kamuning at mga bulaklak. Sa itaas ng Pagoda ay nakalagay ang isang malaking bandra na nakalarawan ang angkla at tiara ni San Clemente na simbolo ng Papa sa Roma.
Hinihila ang Pagoda ng kabataang lalaki, mga propesyonal at iba pang may panata kay San Clemente. Sa pag-usad ng Pagoda, sinisimulan na ang pagdarasal ng Rosario Cantada ng mga nasa loob ng Pagoda. Sa paghila ng Pagoda, ang mga humihila ay nakatatapak at nakahuhuli ng mga isdang tulad ng kanduli, dalag, tilapia ayungin, karpa, bangus at iba pa sa lawa. Tinutuhog ang mga nahuling isda at isinasabit sa andas nina San Clemente, ng Mahal na Birhen at ng San Isidro. May paniwala ang iba na kapag maraming nahuling isda sa paghila ng Pagoda, sagana ang biyaya sa Laguna de Bay sa susunod na taon.
Matapos ang Rosario Cantada, sisimulan na ang pagsasayawan ng mga nasa loob ng Pagoda sa saliw ng masayang tugtog ng banda ng musiko na nakasakay sa isang hiwalay na malaking bangka. Kasunod naman ang iba pang bangkang de motor na ang mga nakasakay ay naghahagis ng tinapay, mansanas at prutas sa mga humihila sa Pagoda. Bahagi ito ng kanilang panata kay San Clemente.
Kasunod ng fluvial procession ang masaya at makulay na prusisyon-parada paahon sa bayan. Kasama rito ang lahat ng lumahok sa fluvial procession, ang kabataang babae at lalaki. Pangkat-pangkat, gayundin ang mga Parehadora ng bawat barangay na tinutugtugan ng kanya-kanyang banda ng musiko. Sa parada-prusisyon, may nagsasaboy ng tubig sa mga kakilala at kaibigan bilang bahagi ng katuwaan.
Nagwawakas ang masayang prusisyon-parada sa harap ng simbahan ng Angono. Ang huling bahagi ay ang pagsasayaw ng mga sumama sa fluvial procession at sa prusisyon-parada sa saliw ng tugtog ng banda ng musiko. Ang Pista ni San Clemente sa Angono ay imortal na sa mural painting ni Carlos “Botong” Francisco at iba pang pintor sa Angono. Maging sa awit at tugtugin na kinatha ni Maestro Lucio San Pedro.
Nag-iiwan lagi ng masasaya at makukulay na gunita at alaala ng mamamayan ang Pista ni San Clemente sa Angono. At higit sa lahat, sa puso ng mga taga-Angono na hindi nawawala ang pagpapahalaga sa tradisyon at kultura. Sa pagdiriwang, ang diwa ay laging nakaugnay sa Diyos, at sa namanang tradisyon, kultura at kasaysayan.