NI: Bella Gamotea

Hinuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 585 motorista sa unang araw ng mahigpit na implementasyon ng yellow lane sa EDSA, kahapon.

Sinabi ni MMDA Assistant General Manager for Planning Jojo Garcia, na base sa kanilang obserbasyon, bahagyang lumuwag ang trapiko sa EDSA sa unang araw ng implementasyon ng yellow lane, habang mabigat naman ang daloy ng trapiko sa EDSA-Guadalupe southbound lane sa Makati City, dahil sa mga bumibiyaheng jeep patungong J.P. Rizal.

Pagsapit ng 12:00 ng tanghali, umabot na sa 70 pribadong sasakyan at 37 bus ang hinuli ng mga traffic enforcer ng MMDA dahil sa paglabag sa yellow lane scheme.

National

Balita, isa sa 'most trusted tabloids' sa bansa—survey

Nabatid na 364 na pribadong behikulo at 114 na bus naman ang nahuli sa pamamagitan ng ‘non-contact apprehension policy’ ng MMDA, dahil pa rin sa paglabag sa naturang traffic scheme.

Pagmumultahin ng P500 ang mga nahuling pribadong motorista habang P200 sa bus dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Aniya, posible pang tumaas ang bilang nito dahil marami pa rin ang pasaway na motorista sa lansangan sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng yellow lane.

Umaasa naman si MMDA Spokesperson Celine Pialago na bababa sa 55 ang bilang ng aksidente kada araw sa EDSA, dahil sa umiiral na yellow lane scheme, na malimit kinasasangkutan ng motorista, gayundin ang paggaan ng trapiko.

Aniya, maaari lamang dumaan sa yellow lane ang mga pampasaherong bus, UV Express o passenger van, ambulansiya at school bus.

Sa Miyerkules, sisimulan na rin ng MMDA ang mahigpit na implementasyon ng motorcycle o blue lane sa EDSA.