NI: Bella Gamotea
Nagpatupad ng oil price rollback ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Flying V, Shell at Petron, ngayong Martes.
Sa pahayag ng Flying V, epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ng Nobyembre 21 ay nagtapyas ito ng 50 sentimos sa kada litro ng gasolina, 35 sentimos sa kerosene, at 15 sentimos naman sa diesel.
Agad namang sumunod sa kahalintulad na bawas-presyo sa petrolyo ang Shell at Petron, dakong 6:00 ng umaga ngayong araw.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bawas-presyo ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Oktubre 10, huling nag-rollback ang mga oil company ng 85 sentimos sa kerosene, 50 sentimos sa gasolina, at 40 sentimos naman sa diesel.
Sa datos ng Department of Energy (DoE), ang bentahan ng gasolina ay naglalaro sa P42.55-P52.41 kada litro, habang P31.20-P36.30 naman sa diesel.