Ni: Rommel P. Tabbad
Pumasok na kahapon sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong “Tino” at apektado nito ang Palawan.
Isinailalim na sa tropical cyclone signal No. 1 ang Palawan.
Sa weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naging bagyo ang low pressure area (LPA) sa karagatang malapit sa probinsiya.
Huling namataan ang bagyo, ayon sa PAGASA, sa layong 245 kilometro silangan-timog-silangan ng Puerto Princesa City, Palawan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 kilometers per hour (kph) at may pagbugsong 80 kph, at kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 28 kph.
Ayon sa PAGASA, ito ang ika-20 bagyong pumasok sa bansa ngayong taon.