Ni MARY ANN SANTIAGO at BELLA GAMOTEA, at ulat ni Leonel M. Abasola

Napilitan ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magpatupad ng limitadong biyahe matapos humiwalay ang isang bagon sa tren nito, habang bumibiyahe sa Makati City kahapon.

(Photo By Ivan Caballero Villegas)
(Photo By Ivan Caballero Villegas)

Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, naganap ang aberya sa pagitan ng Buendia at ng Ayala Avenue Stations, bandang 9:30 ng umaga.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

Aniya, bumibiyahe pa-norte ang tren nang biglang humiwalay ang huling bagon nito.

Pinababa sa riles ang 140 pasahero na pawang naglakad ng walo hanggang 10 minuto patungo sa Ayala Station.

“Around 130 to 140 passengers were evacuated by the combined security guards from Buendia and Ayala Station,” sabi ni Chavez sa isang pahayag. “Passengers were evacuated from the detached train going to Ayala Station platform in about 8 to 10 minutes.”

Pansamantalang nilimitahan ang biyahe ng mga tren mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard at vice versa.

Iniulat naman ni Chavez na makalipas ang kalahating oras ay naibalik na sa normal na operasyon ng MRT-3, sa ganap na 9:30 ng umaga.

Walang iniulat na nasaktan sa aberya.

TULOY NA SERBISYO O REHABILITASYON?

Ayon kay Senador Grace, magdedesisyon ang Department of Transportation (DoTr) kung itutuloy lang ang serbisyo o magsagawa muna ng malawakang rehabilitasyon sa MRT.

“Ang kailangan nilang gawin ay siguraduhin na ligtas ang ating mga mananakay. Ngayon, kung kinakailangan na itigil, alam natin na maaapektuhan halos limandaang libong mga mananakay pero kung iisipin naman natin ang maaaring bawian ng buhay dahil sa kapabayaan, baka kailangan lulunin natin ito ngayon pero ang importante talaga ay magdesisyon ang DoTr at ‘pag may nangyari, akuin nila ang responsibilidad.” Sabi ni Poe.

Aniya, mabuti at walang nasaktan sa insidente na muling nagpatigil sa operasyon. Kamakailan lamang, isang babaeng pasahero ang naaksidente dahil sa kawalan ng “safrety measures”.