Isang basurero ang patay nang barilin sa kaliwang mata ng dalawang lalaki na umano’y sangkot sa panghoholdap at sa ilegal na droga, habang naglalakad pauwi sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Kaagad na binawian ng buhay si Angelo Tiozon, 29, binata, at residente ng Building 9, Aroma Temporary Housing sa Tondo, habang pinaghahanap na ng mga awtoridad ang nagsitakas na suspek na sina Marcial Rosendal, alyas “Barok”; at Milandro Guerrero, alyas “Pandong”.
Batay sa ulat ni SPO3 Charles John Duran, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 12:40 ng umaga nang mangyari ang krimen sa pagitan ng Buildings 6 at 7 ng Temporary Housing sa kanto ng Helping Compound.
Naglalakad pauwi si Tiozon nang barilin ito ng mga suspek sa kaliwang mata, na agad niyang ikinamatay.
Ilang testigo naman ang nakakita sa mga suspek na kapwa tumatakas mula sa pinangyarihan ng krimen matapos ang pagpatay.
Sinasabing ang mga suspek ay kapwa kilalang holdaper at magnanakaw sa kanilang lugar, at kasama rin umano sa drug watchlist ng pulisya.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. - Mary Ann Santiago