Ni: Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, dahil sa malaking populasyon, sinasabing pinakamatindi ang epekto ng mga kalamidad sa mga lungsod.

Sino ang makalilimot sa malagim na sinapit ng Tacloban City noong manalasa ang bagyong ‘Yolanda’, apat na taon na ang nakalilipas? Libu-libo ang namatay, marami ang hindi na natagpuan, at halos nabura sa mapa ang lungsod.

Urbanisasyon ang tawag sa proseso ng pagkukumpulan (o concentration) ng mga tao sa isang lugar bunsod na rin ng iba’t ibang dahilan. Nasa mga lungsod, katulad ng Tacloban, ang mga trabaho at negosyo; ang mga paaralan, pamilihan, at opisina ng pamahalaan; at mga serbisyong katulad ng kuryente, tubig, at pangkalusugan. May mga kababayan din tayong napipilitang lumipat sa mga lungsod dahil hindi na sagana ang kanilang ani sa palayan o ang huli nila sa karagatan, o dahil iniiwasan nila ang kaguluhan sa kanayunan. Sa madaling salita, hindi mapipigilan ang urbanisasyon, at may potensiyal itong tulungan ang mga taong iahon ang sarili sa kahirapan.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Ngunit kung hindi napapangasiwaan nang maayos ang paglago ng mga lungsod, nailalagay ang maraming tao sa kalagayang lantad sa mga panganib at sakuna. Halimbawa, kung hinahayaan ang mga pamilyang manirahan sa mga delikadong lugar nang walang pananggalang laban sa pag-apaw ng ilog o pagragasa ng daluyong o storm surge, tiyak na malulubog sila sa baha.

Kung walang maayos na pagpaplano ng lugar ang mga namamahala ng ating mga lungsod, napupunta sa mga negosyo ang mga lupang nasa ligtas na lokasyon at magtitiis sa tabi ng ilog o pampang ng dagat ang mga walang kakayanang bumili na sariling bahay at lupa. Kung walang ligtas na lugar na ilalaan para sa mahihirap, lagi na lamang tayong may maririnig na balita tungkol sa mga nawawalan ng bahay at mababawian ng buhay sa tuwing may kalamidad na tatama sa ating mga lungsod. Paano maiaahon ng mahihirap ang kanilang mga sarili kung sa tuwing may kalamidad, sila ang pinakamatinding naaapektuhan?

Ngunit may mas malalim pang dahilan kung bakit bigo ang maraming tagalungsod, lalo na ang mga maralita, na mapakinabangan ang kaunlarang dala ng urbanisasyon. Sa Laudato Si’, sinabi ni Pope Francis na maraming lungsod ang tila hindi na angkop panirahanan (ounlivable sa English) hindi lamang dahil sa polusyon, trapik, at karahasan.

Ikinababahala niya ang pagkawala ng pagkakakilanlan ng mga tao sa lungsod at pagkasira ng pagkakabuklod-buklod ng mga ito. Natatabunan ng ingay, gulo, at ligalig sa ating mga lungsod ang kakayahan nating makipag-ugnayan sa ating kapwa, at humahantong ito sa pagsasantabi natin sa kanila.

At makikita natin ang pagsasantabing ito sa mga pamayanang nasa mapanganib na lugar, dahil walang ligtas na lugar para sa mga mahihirap. Makikita natin ito sa mga pamayanang nagtitiis sa tuwing aapaw ang ilog o estero dahil wala naman silang malilipatang lugar na malapit sa kanilang hanap-buhay at hindi binabaha. Sinasalamin ng mga pamayanan sa delikadong lugar ang pagsasantabi natin sa mga tagalungsod na itinuturing nating “iba” sa atin. Nabighani na ang marami sa atin sa kinang ng lungsod, at hindi na natin pinagtutuunan ng pansin ang kalagayan ng mga taong nasa laylayan, ang mga taong bumubuhay sa mga lungsod ngunit pinakaapektado sa tuwing may kalamidad.

Masakit na paalaala ang sinapit ng Tacloban sa kawalan ng kahandaan sa mga kalamidad gaya ng bagyo at pagbaha. Ngunit sinasalamin din ng nangyari sa Tacloban ang bunga ng ating pagsasantabi sa ating kapwa sa ating mga lungsod. Masdan natin ang ating paligid—nasaan ang mahihirap? Paanong sa kabila ng kaunlaran ng ating mga lungsod, naroon sila sa mga lugar na mapanganib?

Sumainyo ang katotohanan.