Ni NORA V. CALDERON
NAPAKA-BLESSED ni Marian Rivera, dahil bukod sa kanyang matagumpay na action-drama seryeng Super Ma’am sa GMA Network, patuloy ang pagdating ng endorsements niya. Latest ang pagiging ambassador ng muling nagbukas na Kultura Pilipino sa second floor ng SM Makati.
“Happy ako na nakapasok sa Kultura, dahil ipinagmamalaki ko naman talaga ang magagandang gawang Pilipino,” sabi ni Marian nang humarap sa reporters na nakasuot ng isang dress styled ni Nuevo with pearl necklace. “Isa pa madali silang kausap, madali kaming nagkasundo sa mga gagawin ko sa loob ng fifteen months na ako ang face ng Kultura.”
Ayon sa Kultura, nagsimula ang idea ng pagkuha nila kay Marian nang mai-post ang suot niyang silk barong dress noong dumalo sila ng husband niyang si Dingdong Dantes sa inauguration ni Vice-President Leni Robredo.
“Simula noon marami na kaming inquiries sa damit na isinuot ni Marian at kung available ba ito sa aming stores. At nag-promote pa lamang si Marian sa kanyang social media accounts, may mga inquiries na at hinahanap na siya ng mga customers ng Kultura.”
Pero ang isa pang nagpadali kay Marian na tanggapin ang offer ng Kultura ay iyong willingness nilang suportahan ang advocacy niya na magpangiti ng mga batang may cleft palate at ang ibang nangangailangan ng repair surgery.
“Tatlong taon ko nang advocacy at partner ako ng Smile Train,” sabi ni Marian. “At pumayag silang ang part ng sales ng Kultura ngayong araw na ito, November 9, ay ipagkakaloob nila sa Smile Train. Mayroon kasi kaming operation for 100 plus children sa December. Umaabot na sa 6,000 plus ang nabigyan namin ng tulong here and abroad ng mga batang may ganitong kapansanan.”
Ayon sa manager ni Marian na si Rams David ng Triple A, inaayos na nila ang mga gagawin ni Marian bilang endorser, like ang personal appearances sa stores ng Kultura sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. Tuloy ang pagpu-promote ni Marian sa kanyang social media at sa print ads. And they hope na more than 15 months pa ang magiging samahan nila ng Kultura.
Hindi rin inaalis ni Marian na nakatulong para tanggapin niya ang offer dahil lumaki siya sa lola at naroon ang pagiging conservative niya. Pero iyong modern side niya ay nakuha na niya sa roles na ginagampanan niya sa mga teleseryeng ginawa niya. Hindi raw mahigpit ang Kultura, puwede siyang mag-mix-match ng mga isusuot niya.
Magkakaroon din siya ng partnership sa Kultura, at maaari siyang mag-design ng mga damit pero uunahin daw niya ang pagdi-design niya ng Pearl dahil mahilig siya sa pearls.
Marami pang kuwento si Marian, pero ang naka-excite sa kanya, bago siya tuluyang naglibot sa malaking store, ay ang pagrampa niya sa gaganaping ASEAN Summit. Inimbitahan daw siya ni Cambodian President Hun Sen.
“Nagulat nga ako nang padalhan kami ng invitation, kasi hindi naman ako sanay na pinadadalhan ako ng ganyan at nahihiya naman akong pumunta sa mga ganoon.
“Pero sabi sa amin, gusto raw akong makita ng President ng Cambodia, dahil ipinalalabas doon ang mga soap ko. Alam ko naipalabas na doon ang Marimar, Dyesebel at sabi ipalalabas naman ngayon ang Carmela. Kaya sino naman ako para tumangging dumalo!”
Sa Subic nila imi-meet ni Dingdong ang Cambodian President.
“Kaya tamang-tama, na mairarampa ko ang Kultura Filipina roon,” nakangiting pagtatapos ni Marian.