Ni: Hannah L. Torregoza
Sinisi ng mga senador kahapon ang mga opisyal ng University of Santo Tomas (UST) sa pagpapahintulot na lumago ang Aegis Juris fraternity at maipagpatuloy ang mga aktibidad nito kahit na hindi ito accredited organization.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa hazing rites na ikinamatay ng UST freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III nitong Setyembre 17, nagsalitan sina Senador Sherwin Gatchalian, Sen. Grace Poe at Sen. Juan Miguel Zubiri sa pagkukuwestiyon sa tila kawalan ng aksiyon ng mga opisyal ng UST upang matiyak na ang lahat ng estudyante ay batid ang estado ng mga organisasyon na accredited ng eskuwelahan.
Ito ay matapos sabihin ni Socorro Guan Hing, pinuno ng Office for Student Affairs (OSA) na in-accredit ng unibersidad ang 16 na samahan, ngunit hindi kabilang dito ang Aegis Juris.
Ngunit sa pagtatanong ni Gatchalian, sinabi ni Guan Hing na nag-o-operate ang fraternity sa UST simula 2010 batay sa kanilang records.
Ipinunto ni Poe na nakasali ang Aegis Juris sa freshman orientation ng UST Faculty of Civil Law noong Agosto nang ipakilala ng student organizations ang mga bagong estudyante. Binanggit din niya na mayroong espasyo ang Aegis Juris sa website ng UST Faculty of Civil Law at sa bulletin board.
Binanggit ni Poe na ang accreditations ay ibinigay “sometime in September.” Hindi pa kinikilala noon ang Aegis Juris gayunman ang initiation ni Castillo ay isinagawa noong Setyembre 17.
Sinabi ni Guan Hing, na noong Agosto pinahintulutan nila ang mga samahan na mayroong good standing sa nakalipas na taon na makisali sa freshman orientation. Ngunit hindi nila kontrolado ang mga ipinapaskil ng mga ito.
Sinabi rin ni Guan Hing na hindi humingi ng permiso ang Aegis Juris sa UST-OSA bago isinagawa ang initiation rites kay Castillo. Aniya, ang mga adviser ng mga samahang ito ang dapat na nagsusubaybay sa aktibidad ng kanilang mga miyembro.
Ngunit sinabi ni Zubiri na halatang nagpabaya ang UST sa kanilang mandato, idiniin na ang OSA at ang dean ng Faculty of Law “were too lax and visibly inept at preventing damage from being inflicted on the unwary students.”
Kung napigilan sana ng mga awtoridad ng eskuwelahan ang Aegis Juris sa pag-aalok ng kanilang fraternity bilang “legitimate” student organization, sinabi ni Zubiri na, “Atio could very well be alive today.”
Sumang-ayon si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, pinuno komite, sa kanyang mga kasamahan.
“If at all, negligence. Klaro naman na negligence (liability) nila dahil ang deadline ng pag-submit ng mga activities June 30 pero July 12 bakit pinayagan pa rin nila?” ani Lacson sa mga mamamahayag matapos ang pagdinig.