Tatlong binatilyo ang inimbitahan sa pulisya makaraang mapagtripang pukulin ng bato ang sasakyan ni Nueva Vizcaya Vice Governor Epifanio Lambert Galima sa national highway sa Barangay Quirino sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa report kahapon mula sa tanggapan ni Chief Insp. Ferdinand Laudencia, hepe ng Bagabag Police, nabatid na patungong Solano ang bise gobernador, sakay sa kanyang Chevrolet Trailblazer (SAA-5440) na minamaneho ni Carmelo Molina, 44, taga-Bgy. Quirino, Solano, nang pukulin ng bato ang sasakyan dakong 11:30 ng gabi nitong Miyerkules.

Maagap na rumesponde ang Bagabag Police at sa tulong ng anim na opisyal ng barangay ay kaagad na natukoy ang mga salarin.

May tama ng bato sa front door ng SUV, bagamat pinalad na hindi nasaktan sina Galima at Molina.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sa panayam kay PO2 Sean Daryl A. Lucena, sinabi niyang lasing ang tatlong binatilyo at napagtripan marahil ang SUV ng bise gobernador nang matiyempuhan ito sa highway.

Dinala sa pulisya ang tatlong lalaking suspek, na pawang 17-anyos, at sa harap ng mga ito ay pinagsabihan ni Galima ang mga magulang ng mga binatilyo. - Liezle Basa Iñigo