Ni Marivic Awitan

Narvasa, pinatalsik bilang commissioner ng PBA Board.

PINULOT sa kangkungan si PBA Commissioner Chito Narvasa matapos sibakin bilang commissioner ng PBA Board kahapon matapos ang special Board meeting sa opisina ng liga sa Libis, Quezon City.

Alaska head coach Alex Compton immediately talks to Commissioner Chito Narvasa after the Aces lost to Globalport in PBA Commissioner's Cup at MOA Arena in Pasay, June 4, 2017 (Rio Leonelle Deluvio)
Alaska head coach Alex Compton immediately talks to Commissioner Chito Narvasa after the Aces lost to Globalport in PBA Commissioner's Cup at MOA Arena in Pasay, June 4, 2017 (Rio Leonelle Deluvio)

Human-Interest

Pagsasabit ng pagkain para sa mga walang makain sa ibang bansa, uubra ba sa Pinas?

Pitong team governors – labis sa kailangan na two-third board ng 12-man PBA Board – ang nagkakaisa sa desisyon na huwag nang palawigin pa ang termino ni Narvasa para patakbuhin ang liga sa ika-43 season.

Nakatakdang magbukas ang PBA season sa Disyembre 17.

Sa bisa ng nilagdaang resolusyon, iginiit ng pitong governors na ‘we no longer support and endorse the renewal’ of Narvasa.

Mariing itinanggi ni incoming chairman Mon Fernandez ng NLEX na ang kontrobersyal na pagpayag ni Narvasa sa trade ni No.1 rookie pick Christian Standhardinger mula sa kulelat na KIA patungo sa ‘powerhouse’ San Miguel Beer ang dahilan nang kanilang pagkadismaya.

“It’s a simple loss of confidence, among other things, including performance,” pahayag ni Fernandez. “The trade is not the main issue. It’s really a loss of confidence already.”

Sa kabila ng pagkakaroon ng majority sa bilang, kakailanganin pa ng Board ang isang boto para makapag-appoint ng bagong PBA Commissioner. Para manatili ang trabaho ng Commissioner’s Office, pansamantala munang humalili si deputy commissioner Rickie Santos bilang Officer-in-Charge.

“To ensure the continuity of the operations of the PBA for the meantime,” sambit ni Fernandez.

“We want to clarify that we are not expelling commissioner Narvasa. We know that it takes two-thirds vote to expel him. We are just letting his term expire.”

Kabilang sa tumugon sa pagpupulong sina Talk’ N Text governor Pato Gregorio, Dickie Bachmann ng Alaska, Mert Mondragon ng Rain or Shine, Al Panlilio ng Meralco, Blackwater’s Siliman Sy, Raymond Zorilla ng Phoenix, at Fernandez.

Hindi naman dumating ang kinatawan ng San Miguel Corporation group – Star Hotshots, SMB, at Ginebra, gayundin ang Globalport at KIA.

Hindi naman iwinaksi ni Fernandez ang posibilidad na magkaroon ng banggaan sa pagitan nila at ng minority group, ngunit umaasa siyang hindi ito mauwi sa negatibong kaganapan.

“We don’t know,” pahayag ni Fernandez.

“That’s why we have been trying to reach them because definitely we want, ang iniisip lang naman namin para sa kabutihan ng liga so we’d like to do this in a very professional way para sa kinabukasan ng ating liga, para sa kagandahan ng ating liga.”

Aniya, kaagad nilang ipinaalam kay Narvasa ang naging desisyon ng Board.

“I have talked to him after our Board meeting informing him of the resolution. His only reply was he will explore his options,” pahayag ni Fernandez.

Ngunit, iginiit ni Fernandez na makabubuting hindi na dumalo si Narvasa sa planning session ng liga sa Nobyembre 14 sa Los Angeles, California.

Aniya, may mga pangalan na silang tinitingnan para maging kapalit ni Narvasa.

“There are names floating around, but I do not like to preempt the Board,” aniya. “So it’s better that we do a formal search para fair and square and also it’s a good professional, formal process. Para tanggap ng lahat at maganda at professionally done.”

Nadawit ang liga sa ilang kontrobersyal na desisyon ni Narvasa, kabilang ang pagbanned sa sports broadcaster na si Snow Badua ng PTV-4. Ngunit, hindi na naging usap-usapan sa social network ang pagpayag niya sa napagkasunduan trade ng KIA at San Miguel kung saan ibinigay ng una ang karapatan para sa No.1 pick (Standhardinger) kapalit nang tatlong bench warmer ng Beermen.

Mismong si Alaska owner Wilfred Uytengsu ang tahasang bumatikos sa naganap na trade na aniya’y dagok sa liga. Naging maanghang naman ang pahayag ni TNT management sa pagdawit ni Narvasa sa ilang opisyal ng Katropa na aniya’y nagnanais ding makuha ang serbisyo ni Standhardinger.