NI: Reggee Bonoan
HININGAN namin ng reaksiyon si Coco Martin tungkol kay Apo Whang- Od, kung ano sa pakiramdam niya nang magkita sila dahil kaya pala bumaba ng Maynila ang Traditional Tattoo Artist mula sa Kalinga Cordillera Mountain ay dadalo ito ng exhibit/festival sa kundisyong makikita ang aktor.
“Nahiya nga ako kasi pagdating niya pagod na pagod siya kasi nga ‘sinakay pa siya ng helicopter ‘tapos natrapik siya dito sa Manila. Pero nakakatuwa kasi kahit papa’no may napasaya kaming tao na nagkita lang kayo. Ako naman nahihiya ako sa kanya, hindi ko alam kung paano ko siya ii-entertain, pero nu’ng medyo tumagal-tagal na, ‘yun nagloloko na siya nagbibiru-biro na kaya nakakatuwa,” masayang kuwento ng aktor.
Noon pa gustong makilala at makita nang personal ni Apo Whang-Od si Coco dahil gabi-gabi itong nanonood ng Ang Probinsyano. Kaya pagsapit ng 6 PM ay kumakain na siya ng hapunan bago manood ng nasabing aksiyon serye ng paborito nitong artista.
Nangako pala si Coco kay Apo Whang Od na dadalawin niya ito sa Kalinga pagkatapos ng shooting niya ng Ang Panday.
“Sabi ko nga nahiya ako kasi siya ang pumunta dito sa Manila kasi sabi ko pagkatapos ko ng Ang Panday, maglalaan ako ng isang araw para puntahan siya.
“Eh, nauna siyang magpunta sa akin dahil meron siyang exhibit dito. And then finally nagkita na kami, sabi ko sa kanya ako naman ang dadalaw sa kanya du’n,” kuwento ng aktor.
Hiningan din namin ng reaksiyon si Coco kung anong masasabi niya sa legendary tattoo artist na 100 years old na at malakas pa.
“Nagulat ako kasi 100 years old na siya pero sobrang lakas niya pa. ‘Tapos nu’ng papakainin namin siya, siyempre inorderan namin siya baka gusto niya ng fish at saka vegetable, ang kinain lang niya rice saka water saka salt. ‘Yun lang. Siguro ‘yung mga pagkain nila du’n healthy ‘tapos ‘yung walang stress, lagi lang silang masaya du’n. Sabi ko nga ‘yun pala yung way para humaba ang buhay,” kuwento ng aktor.
Tinanong namin kung nagpa-tattoo na si Coco, “hindi nga eh, hindi niya ako na-tattoo-an kasi una pagod na pagod na siya kaya hindi na niya na-ano pa (kinaya). Pero oo naman (gusto ko magpa-tattoo sa kanya) kasi kakaibang experience ‘yun.”
As of now ay walang tattoo sa alinmang bahagi ng katawan si Coco kaya excited siya kung anong disenyo ang ilalagay ni Apo Whang-Od na nauna nitong sabi ay isang warrior dahil bagay daw sa idolo niya.
Tinanong din namin kung anong remembrance ang ibinigay ni Coco kay Apo Whang-Od bukod sa merchandise products ng Ang Probinsyano at Ang Panday.
“May binigay ako sa kanyang parang remembrance lang na kuwintas at saka hikaw. Basta binigyan ko siya ng terno kasi di ba mahilig siya mag-lipstick? Eh nag-iisip ako kung anong magandang iregalo sa kanya,”tumatawang sabi nito na ayaw ng banggitin kung anong klase.