NAGPATAWAG ng pulong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II para sa Inter-Committee on EJKs (Extra-judicial Killings) nitong Oktubre 25, kasunod ng pagpapahayag ng pagkabahala ng ilang bansa at ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa libu-libo nang napatay na iniuugnay sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga.

Pinangunahan ni Secretary Aguirre ang pulong ng komite nitong Oktubre 25, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Presidential Human Rights Commission , Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Department of Interior and Local Government, Office of the Presidential Adviser for the Peace Process, at Office the Presidential Adviser for Political Affairs.

Binusisi ng komite ang nasa 32 lumang kaso ng EJK sa 219 kasong idinulog dito simula nang maitatag noong 2012, kasama ang 27 kaso ng biglaang paglalaho, 80 kaso ng pagpapahirap, at pitong kaso ng paglabag sa karapatan pantao.

Subalit hindi tinalakay ng komite ang libu-libong kaso na iniuugnay sa ipinatutupad na kampanya kontra droga. Iginiit nitong alinsunod sa Administrative Order No. 35 na ipinalabas ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III, ang mga pagkamatay sa nakalipas na taon na may kaugnayan sa drug war ay hindi mga EJK. Sa nasabing order ni Aquino, ang EJK ay nangangahulugan ng pamamaslang na may kaugnayan sa “political, environmental, agrarian, labor, or similar causes” at pagpatay sa mga mamamahayag.

Maaaring panindigan ng gobyerno ang makitid na kahulugang ito ng EJK kung nais nito, subalit ang mga dati nang kaso ng pagpatay sa mga aktibista, mamamahayag, at iba pang taong nagsusulong ng iba’t ibang adbokasiya ay matagal nang nangyayari. Ang nais ng mundo — at ng maraming Pilipino — sa ngayon ay ang imbestigahan ng gobyerno ang mga huling pamamaslang sa mga operasyon ng pulisya, gaya ng kaso ni Kian delos Santos ng Caloocan City.

Kung maninindigan ang Department of Justice sa pakahulugan ng administrative order ni dating Pangulong Aquino sa EJK, maaaring bigyan na lamang ng kagawaran ng bagong katawagan ang mga bagong kaso ng pagpatay ng mga pulis. Mismong si Pangulong Duterte ang nagtanggal sa PNP sa kampanya kontra droga at ipinaubayan ang pagpapatupad nito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa gitna na rin ng matinding pagkabahala ng publiko sa mga patayang nangyayari sa mga operasyon ng pulisya.

Nagbibigay ng magkakaibang datos ang iba’t ibang opisyal ng PNP tungkol sa mga patayan. Noong Marso, nag-ulat ang PNP Directorate for Investigation and Detective Management ng 6,011 homicide, na 1,398 sa mga ito ay kumpirmadong may kaugnayan sa droga, habang 3,785 ang iniimbestigahan pa. Isa pang PNP report ang naghayag na mayroong 2,600 drug suspect na nanlaban sa mga operasyon ng pulisya. Pero mas malaki ang bilang sa “unofficial figures” ng ilang sektor ng pamamahayag—isa ang nagsabi na aabot na sa 9,000 ang mga hinihinalang tulak at adik sa bansa.

Ang mga kasong ito ang dapat na busisiin ng Inter-Agency Committee. Hayaan na ang 219 na kaso na iniulat sa lumang IAC tungkol sa EJKs. Hayaan nang umusad ang pagsisiyasat sa mga ito. Ang mga bagong kaso ng pagpatay — tawagin na lamang ito sa kahit anong katanggap-tanggap — ang dapat na himayin ng DoJ kung nais nitong tugunan ang pangamba ng UN Human Rights Commission at ng maraming Pinoy na sumagot sa survey na hindi naniniwala sa matagal nang iginigiit ng pulisya na ang maraming napatay sa mga operasyon nito ay nanlaban sa pag-aresto.