Ni: Bert de Guzman

ANG European Union (EU) pala ay nakahandang magkaloob (grant) ng 100 milyong euros para sa rehabilitasyon at rekonstruksiyon ng wasak at durog na durog na Marawi City na naging arena ng madugong bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at teroristang Maute-Isis-ASG Group sa loob ng 5 buwan.

Alam ba ninyo mga kababayan kung magkano ang equivalent o katumbas ng 100 million euros? Tumataginting na P6 bilyon o mahigit pa. Aba, malaking tulong ito sa lugaming siyudad ng Marawi na halos napulbos bunsod ng walang puknat na pambobomba ng mga eroplano ng gobyerno upang magapi ang mga terorista. Dati ay 250 milyong euros ang EU aid ngunit binawasan ito dahil sa pagtanggi ni PRRD noong Mayo na hindi tatanggap ang PH ng tulong.

Sa isang okasyon kamakailan, sinabihan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na hindi tatanggap ng ayuda mula sa EU dahil sa “pakikialam” nito sa anti-drug campaign ng administrasyon. Minura pa niya ang EU at pinalalayas sa loob ng 24 oras ang mga ambassador nito sa ‘Pinas. Nagkamali si Mano Digong sa pagbanat sa EU dahil napagkamalan niya ang isang EU delegation na bumisita kay Sen. Leila de Lima, nanawagan na mapatalsik ang PH sa UN Commission on Human Rights dahil umano sa extrajudicial killings ng PNP.

Niliwanag ni EU Ambassador Franz Jessen na sila ay magkakaloob ng grant o tulong na ang pokus ay ang rehabilitasyon at rekonstruksiyon ng Marawi City at iba pang parte ng Mindanao. Ayon kay Jessen, ang ayuda ng EU ay magtutuon sa job creation o pagkakaloob ng trabaho para sa mga residente ng wasak at durog na lungsod.

Nakausap na niya sina DFA Sec. Alan Peter Cayetano at Finance Sec. Carlos Dominguez tungkol sa iba’t ibang isyu, kabilang ang alok na tulong. Ang EU ay binubuo ng 27 bansa sa Yuropa (Europe) at maraming... negosyo, kalakal at pakikipagkaibigan ang umiiral sa pagitan nito at ng PH.

Magugunitang nagalit si PDU30 sa EU dahil umano sa mga komento nito hinggil sa giyera niya sa droga. Itinanggi ng EU na nais nitong patalsikin ang ‘Pinas sa UNCHR. Nananatiling matatag ang ugnayan ng EU at ng PH.

Bukod sa EU, kabilang ang Australia, US, Singapore, Russia, Japan, World Bank, Asian Development Bank, sa mga bansa at organisasyong nag-aalok ng tulong sa nagdurusa at naghihirap na Pilipinas. Para kina Pres. Rody at Cayetano, handang tanggapin ng bansa ang tulong ng EU kung walang mga kondisyon. Tama naman ito.

Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Bakit, nakasisiguro ba ang mga Pinoy at ang ating Pangulo na walang conditionalities sa tulong ng China at ng Russia?” Aba hindi natin alam ito!