Muling binira ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pagkilala ng Palasyo sa liderato ni Sen. Win Gatchalian bilang Senate President pro Tempore at Acting Senate President.
Sa kaniyang press conference nitong Lunes, Hunyo 8, 2026, iginiit ni Cayetano na hindi raw maaaring gawing “rubber stamp” ng Malacañang ang Senado.
“I have to assert, because may ipinaglalaban tayo. Ipinaglalaban ko hindi yung si Alan Peter Cayetano as Senate President. Ang ipinaglalaban natin ang Senado, hindi pwedeng rubber stamp ng Malacañang,” ani Cayetano.
Pinuna rin ni Cayetano ang naging sesyon ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo sa ilalim ng Gatchalian bloc nitong Lunes, Hunyo 8.
“Hindi pupwede na hindi independent yung Senate. Hindi pwedeng may hearing ka katulad kanina, yung bibig na bumubukas ay senador pero yung lumalabas na salita [ay] galing sa Malacañang,” anang senador.
May inisa-isa rin si Cayetano hinggil sa naging pagtugon aniya ng Palasyo simula nang magkaroon ng tensyon ang liderato ng Senado sa pagitan nina Cayteno at Gatchalian.
“First, yung pananakot nila sa mga miyembro namin na lumipat. Yung offer na wala nang kaso 'pag lumipat,” ani Cayetano
Saad pa niya, “Second, as soon as hindi nila ginawa, naglabas sila na ang House at Malacañang ay doon pumapabor.”
Kung tutuusin, maaari na lamang daw pumagitna ang Palasyo hinggil sa nangyayaring tensyon sa kanilang liderato bilang independent institution.
“Pwede naman mag-neutral ang Malacañang eh.”
Matatandaang kasalukuyang hati ang paksyon at awtoridad sa Senado matapos maiulklok ng 12 senador as plenaryo si Sen. Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Habang naninindigan naman si Cayetano na hindi raw legal ang nangyaring sesyon nina Gatchalian at siya pa rin ang nag-iisang lehitimong Pangulo ng Senado.