Inihayag sa publiko ng public health reform advocate at nasuspindeng si Dr. Anthony “Tony” Leachon na nakatanggap umano siya ng pagbabanta sa kaniyang buhay at propesyon mula sa mga hindi niya tinukoy na indibidwal.
Matatandaang sinuspinde ng Philippine College of Physicians (PCP) si Leachon noong Hunyo 6, 2026, sa loob ng anim na buwan dahil sa paglabag niya umano sa ethical standards at defamation laban sa kaniyang mga kapuwa physician at health professionals.
Sa inilabas na pahayag ni Leachon sa kaniyang social media accounts, partikular sa “X,” nitong Lunes, Hunyo 8, sinabi niyang nahaharap daw siya sa pinakamabigat niyang laban sa kaniyang buhay dahil may mga natanggap daw siyang seryosong pagbabanta laban sa kaniya, kaniyang propesyon, at lisensya sa Professional Regulation Commission (PRC).
“I am facing the greatest battle of my life—defending the Filipino people,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “There are threats to my life, my career, and even my PRC license. These threats have been relayed to me through persons, and I take them seriously.”
Screenshot mula sa post ni Leachon.
Diin ni Leachon, ang mga politiko lang daw pangunahing magiging suspek sakali mang may mangyaring hindi maganda sa kaniya.
“If anything happens to me, let it be clear: politicians are the primary suspects,” pagtitiyak niya.
Ani Leachon, lalaban daw siya para sa kaniyang mga tagasuporta kahit gaano man daw kahirap ang desisyon tanggapin ang hamon ng buhay na kinakaharap niya ngayon.
“I will fight for all of you. If I should lose this fight at the Philippine College of Physicians, then my clinical practice would be jeopardized. It is a difficult decision, but I will take the challenge, hoping that God and truth will be on my side,” saad niya.
Pagpapatuloy ni Leachon, dasal lang daw ang hinihingi niya sa publiko at hindi raw siya titigil sa kaniyang pinaglalaban kahit nasa edad na siya ng 65-anyos.
“I am not asking for help—only prayers. At 65, I can say I have lived a good life. But I will not stop,” ‘ika niya.
“The Philippine College of Physicians has been used to silence me, and complicity is a crime,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi pa naman naglalabas ng reaksyon, tugon, o pahayag ang PCP kaugnay sa mga nasaad na ito ni Leachon.