Ni FER TABOY

Inihayag ng Armed Forces of the Philippine (AFP) na patuloy na pinaghahanap ng militar ang isa pang prominenteng lider ng mga terorista, ang Malaysian na si Amin Baco, na nananatili pa sa main battle area sa Marawi City.

Sinabi kahapon ni Western Mindanao Command (WestMinCom) chief Lt. Gen. Carlito Galvez na sa mga susunod na oras ay babawiin nila sa mga terorista ang natitirang tatlong gusali na ginagalawan ng mga natitirang miyembro ng Maute-ISIS sa Marawi.

Aniya, ang natitirang 20-30 terorista ay pinamumunuan na ngayon ng Malaysian bomb expert na si Baco, alyas “Abu Jihad”, kasunod ng pagkamatay ng mga lider ng grupo na sina Isnilon Hapilon, Omar Maute, at Dr. Ahmud Ahmad.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon kay Maj. General Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, 2010 nang dumating sa bansa si Baco, miyembro ng international terrorist group na Jemaah Islamiyah (JI).

Kabilang si Baco sa mga target sa operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, bagamat ang bomb expert na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, lamang ang napatay sa nasabing operasyon—na kumitil din sa buhay ng 44 sa SAF.

Sinabi naman ni Galvez na inaasahan nilang pormal nang matatapos ang giyera sa Marawi sa mga susunod na araw.