Ni: Bella Gamotea

Halos nasa 100 katao ang inaresto ng mga pulis sa Parañaque City, simula nitong Huwebes ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nagsagawa ng simultaneous police operation ang Parañaque City Police, sa ilalim ng liderato ni Senior Supt. Leon Victor Rosete, sa mga nasasakupang lugar sa lungsod.

Ayon kay Sr. Supt. Rosete, ikinasa ang operasyon sa mga nasasakupang lugar ng Police Community Precinct (PCP) 1 hanggang PCP 7 na naging sanhi ng pagkakaaresto sa 24 na indibiduwal na naabutang nag-iinuman sa pampublikong lugar; 19 na nakahubad baro; anim na may warrant of arrest; at 49 na menor de edad na lumabag sa curfew.

National

Leni-Kiko nag-collab, sinayaw isang TikTok trend

Idiniretso naman sa impounding area ng Parañaque City Police headquarters ang 15 motorsiklo dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento at nakatakdang isailalim sa beripikasyon.

Nabatid na pagmumultahin ang mga nahuling nag-iinuman sa kalye habang pinalaya na rin kalaunan ang mga nakahubad baro, gayundin ang mga menor de edad na sinundo ng kani-kanilang magulang.