Ni: Aaron Recuenco

Napakalawak ng tinatamasang demokrasya ng Pilipinas sa kasalukuyan na inaabuso din ng mga kriminal at teroristang grupo para isulong ang kanilang mga ilegal na gawain.

Sinabi ni Gen. Eduardo Año, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na ito ang dahilan kung bakit malayang nakagagalaw si Russel Salic sa bansa sa loob ng maraming taon bago siya sumuko noong Abril.

“The country enjoys so much democratic space that it is being exploited by terror and criminal groups, unlike in other countries like Singapore, US, Malaysia and Australia, where they have a very strict internal security act,” ani Año sa unang pagpupulong ng Inter-Agency Committee on Legal Actions kahapon sa Camp Crame.

National

Pagharap ni FPRRD sa pre-trial ng ICC, sinubaybayan ng pamilya ng mga biktima ng war on drugs

Sinabi ni Año na may mga probisyon sa terrorism-related laws ng ibang bansa na maaaring idetine ang isang pinaghihinalaang indibidwal kahit walang isinampang kaso basta’t mayroong mga indikasyon na siya ay konektado sa mga terroristang grupo.

Ayon kay Ano, mayroon ding sariling Human Security Act ang Pilipinas ngunit hindi ito gaanong istrikto, hindi tulad ng sa ibang bansa na epektibong natutugunan ang mga banta ng terorismo.

“We have the Human Security Act but we have been requesting to amend or add some provisions because we believe it’s not enough to address the threats against terrorism,” ani Año.

Nauna rito iniulat na sinabi ni Salic sa isa sa mga mensahe na na-intercept ng United States na masyadong maluwag ang mga batas ng Pilipinas sa terorismo.

Si Salic, isang doktor mula sa Marawi City, ay inakusahan ng paglilipat ng mga pondo sa ilang terorisang grupo sa ibang bansa.

Sinabi ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na mahirap pa ring maipasa ang ilang batas na kanilang isinusulong upang maprotektahan ang kaligtasan ng publiko.

Binanggit niya ang national ID System na magpapadali sana sa pagsilip ng gobyerno sa datos ng lahat ng mga Pilipino.

Ikinalulungkot din niya na hanggang ngayon, madaling makabibili ang sinuman ng SIM card, na kung minsan ay ginagamit sa bomb attacks at maging sa negosasyon para sa ransom ng mga biktima ng kidnapping.

“So you are asking from us would be our recommendations? Those recommendations have been in the air for quite so long but it is really hard to reverse the mentality of the Filipinos,” ani dela Rosa.