Ni FRANCIS T. WAKEFIELD, May ulat ni Leonel M. Abasola

Kumpiyansa si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año na matatapos na ang krisis sa Marawi bago matapos ang buwang ito.

Sa isang panayam, sinabi ni Año na mayroon silang timeline kung kailan wawakasan ang bakbakan sa siyudad, pero mas nanaisin niyang hindi na isapubliko pa ito.

“Latest instruction (sa military commanders)? It is to finish the Marawi crisis,” sabi ni Año. “We will finish the Marawi within this month.”

Probinsya

Aso sa Masbate, pinalo sa ulo hanggang mamatay–‘for the content’ lang?

MAGRERETIRO

At bagamat una nang sinabi sa isang panayam na tiwala siyang matatapos na ang krisis sa Marawi bago siya magretiro sa militar sa Oktubre 26, sinabi ni Año na ayaw niyang isalalay ang minimithing pagpapalaya sa Marawi mula sa Maute Group sa kanyang nakatakdang pagreretiro.

“It (ending the crisis) should not be dependent or anchored in my retirement. We will finish it because that is the time to finish it and that is calculated based on our projection of being able to rescue the remaining hostages, neutralizing the last terrorist and minimizing casulaties to our troops and civilians," paliwanag ng heneral.

Ayon pa kay Año, nang magtungo siya sa Marawi nitong Biyernes ay iniulat sa kanya ng mga military commander na wala nang walong ektarya ang lugar na nananatiling hawak ngayon ng mga teroristang Maute.

Sinabi rin ni Año na aabot na lang sa 40—walo hanggang siyam ang dayuhan—ang mga terorista sa main battle area sa ngayon. Ilan sa mga ito ay sugatan at ang ilan ay hindi na makalakad, aniya.

PUPUGUTAN

“May naiwan pa doon, eh, siguro mga eight or nine foreign fighters. They are also the ones who are directing or commanding the other local terrorists,” sabi ni Año. “They are the ones who are suicidal. It’s okay but the problem is that other people are also affected. The other hostages are also affected.”

Ayon kay Año, bago pa na-rescue ang 17 bihag kamakailan ay pinaplano na umano ng Maute Group na pugutan ang mga bihag nito.

R15-B STANDBY FUND

Samantala, nais ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na maglaan ng P15 bilyon ang Malacañang bilang “standby fund” para sa rehabilitasyon ng Marawi.

Ayon sa senador, hindi sapat ang P10 bilyon pondo sa Marawi kaya kailangang may nakaantabay pang pera sakaling kapusin ang pondo.