Nina Samuel Medenilla at Mary Ann Santiago

Binuksan ng Simbahang Katoliko ang pintuan nito sa mas marami pang pulis na nais magsalita tungkol sa umano’y extrajudicial killings (EJK) kaugnay ng drug war ng gobyerno.

Kasunod ng pahayag nitong Lunes ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na magkakaloob ang kanyang archdiocese ng sanktuwaryo para sa mga pulis na nais maging mga whistleblower, nagsunuran na rin ang iba pang mga diocese.

Nagpahayag ng suporta sina San Jose City, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari at Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos sa naging hakbangin ni Villegas at sinabing handa ang kani-kanilang diocese na tumanggap ng mga whistleblower.

National

5.0-magnitude na lindol, yumanig sa Eastern Samar

“I’m really one with him (Villegas) and we are opening our doors as sanctuary to those who want to stand for the truth,” sinabi ni Mallari sa panayam ng Radyo Veritas, na sinegundahan naman ni Santos sa hiwalay na panayam ng radyo.

Kapwa opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sina Mallari at Santos.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Cebu Auxiliary Bishop at concurrent Apostolic Administrator of the Military Ordinariate of the Philippines (MOP) Oscar Jaime Florencio na pinakilos na niya ang kanyang mga chaplains upang himukin ang iba pang mga pulis na nais magbulgar ng katotohanan laban sa EJK.

Una nang sinabi ni Villegas na ilang pulis ang lumapit sa kanya upang humingi ng proteksiyon sa planong pagbubulgar sa mga nalalaman ng mga ito tungkol sa pagpatay sa mga drug suspect.

Samantala, sinabi ni Florencio na nais niyang tumulong sa assessment ng testimonya ng mga naturang pulis at matukoy ang kanilang motibo sa planong paglantad.

“First, I also want to know their motives, then to help them deepen their confession, the sacramental confession,” ani Florencio.

Sinabi ni Florencio na mayroong 150 police at military chaplain sa kanyang Ordinariate at aalamin niya sa mga pari kung may may natatanggap nang feelers ang mga ito mula sa mga pulis na nais tumestigo laban sa EJK.